NAKIKIPAG-ugnayan na ang Bureau of Immigration (BI) sa Indonesia para agad na mapauwi sa Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Kasunod ito ng kaniyang pagkaaresto sa Tangerang City, Indonesia dahil sa pagiging undesirable alien makaraang kinansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaniyang Philippine passport.
Pagbalik sa bansa ay tiniyak na rin ng Department of Justice (DOJ) na ipahaharap agad kay Guo ang lahat ng mga reklamo at kaso laban sa kaniya.
Si Guo ay may warrant of arrest dahil sa hindi niya pagsipot sa Senate hearing kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.
Inihain naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman ang reklamong paglabag sa graft and corruption kaya siya nasuspinde at kalaunan ay sinibak sa puwesto bilang alkalde.
Bukod pa dito ay nahaharap din si Guo sa mga reklamong qualified human trafficking, tax evasion sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at money laundering.
May kaso rin itong material misrepresentation ayon sa Commission on Elections (COMELEC), at quo warranto petition mula sa Office of the Solicitor General (OSG) dahil sa kuwestiyunableng citizenship.