Amerika, pumalo sa halos 4,500 ang nasawi dahil sa COVID-19 sa loob ng 24-oras

PATULOY ang paglala sa kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Amerika, ang bansang may pinakamataas na kaso at bilang ng pagkasawi dahil sa nasabing virus sa buong mundo.

Sa huling datos mula sa Johns Hopkins, umabot sa 235,000 ang bagong kaso ng bansa sa loob ng 24 oras at 4,470 naman ang nasawi nitong Martes, Enero 12 (oras ng Amerika).

Dahil dito ay inanunsyo ng U.S. sa lahat ng bumibyaheng papasok sa bansa na kailangang negatibo ang mga ito sa COVID-19 test simula sa Enero 26.

Samantala, kinondena ng mga miyembro ng Democratic sa US Congress ang mga kasamahang Republican na tumangging magsuot ng mask habang umiiwas mula sa pulutong ng mga taong lumusob sa Capitol nakaraang linggo.

Sinabi ni Democrat Rep. Brad Schneider ng Illinois, nanganganib ngayon ang kalusugan ng kanyang asawa matapos magpositibo ang kongresista sa COVID-19.

“Today, I am now in strict isolation, worried that I have risked my wife’s health and angry at the selfishness and arrogance of the anti-maskers who put their own contempt and disregard for decency ahead of the health and safety of their colleagues and our staff,” aniya pa.

Pangatlo na si Schneider sa Democrats na nagpositibo sa sakit kungsaan una nang nag-anunsyo sina Representatives Pramila Jayapal ng Washington state at Bonnie Watson Coleman ng New Jersey na nagpositibo ang mga ito sa virus.

Sa ngayon ay nasa 22.8 milyon ang kabuuan ng kaso ng COVID-19 sa Amerika kungsaan halos nasa 380,000 na ang nasawi mula dito.

SMNI NEWS