INIHARAP ng mga otoridad sa tanggapan ng NCRPO sa Taguig City ang suspek na itinuturing ng Bureau of Fire (BFP) bilang ‘most wanted’ dahil sa pagpapanggap nito na konektado sa ahensya.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Cherry Grace de Leon, 27-year old, sa Ilocos Sur cor. Abra St., Bago Bantay, QC noong June 14, 2022.
Si De Leon ang tinuturing na most wanted ng BFP para sa 4 counts of Usurpation of Authority at 4 counts ng estafa.
Makikita sa video na nagulat ang suspek at hindi na nakapagsalita pa sa mga otoridad.
Ayon sa mga otoridad papunta pa sana ang suspek sa panibagong establisimyento na lolokohin nito.
Modus operandi ng suspek ay magpanggap na taga BFP at kunwari ay magsasagawa ng Fire Safety and Inspection para makapagbenta ng fire extinguisher at kapag nakapagbayad na ang kustomer ay hindi na ito magpapakita pa.
Ngayong araw ay iniharap ng NCRPO at BFP ang suspek sa publiko.
“Ayon po sa report na aming nakuha, ito ay nagpapanggap na personnel ng Bureau of Fire at ang ginagawa niya, mag-i-inspect siya kunwari ng mga fire extinguisher, and then sasabihin niya oh ito, expired na ito kailangan na naming palitan, so gagawin niya, mag-issue siya ng resibo, fake receipt na, so babayaran siya noong may-ari,” ayon kay PLtCol. Eric V. Reverente, Chief ATTG.
Sa estimation ng BFP nasa mahigit P100,000 na ang kinita ng suspek mula sa kaniyang modus.
Ito ay base pa lamang sa mga nakuha nilang resibo.
Maliban sa NCR ay nag-iikot ito sa iba’t ibang probinsiya para makapanloko.
Ayon kay Fire CSupt Samuel Tadeo, pinuno ng intelligence and investigation ng BFP, taong 2018 pa sana nila naaresto ang suspek kung hindi umatras ang mga complainant.
Una na itong nareklamo sa Bulacan, Pampanga at nakaabot ito hanggang sa Baler.
Sinabi naman ni BFP Chief Fire Director Louie Puracan, marami talagang nagpapanggap na bombero para lamang kumita lalo pa’t mahigit 2M na establisimyento ang maaari nilang pagkakitaan.
Aniya matagal nang kalakaran ito.
Masigasig ngayon ang mga otoridad na manghuli, dahil sa marami na aniyang matapang ngayon na tumestigo.
Anila marami pang gumagawa ng ganitong krimen maliban sa suspek at marami aniya itong kasamahan sa ganitong krimen.
Payo ng BFP ngayon kung makaka-encounter ng mga bogus na BFP personnel ay agad na tumawag sa 911 upang agad na makaresponde ang mga otoridad.
Para aniya maberipika ng isang business establishment kung lehitimo ang operasyon ng BFP ay maaari nilang hanapan ang mga ito ng mission order.
Sa mission order ay nakalagay doon ang kanilang telephone number kung saan maaari itong tawagan ng mga business establishment para makumpirma kung bogus o lehitimo ang operasyon.