OPISYAL nang naupo ang bagong talagang group commander ng 3rd Regional Community Defense Group (3RCDG), Army Reserve Command sa panunungkulan at kasabay nito ang kanyang panawagan na pagkatiwalaan ang reserve force dahil wala itong ibang hangad kundi maging makabayan at disiplinadong mamamayan lalo na ang mga kabataan.
Papalitan ni Col. Vicente Edgardo de Ocampo si outgoing GruCom Col. Reynaldo Malapad bilang group commander ng 3RCDG.
Bagamat magreretiro na sa panunungkulan sa militar si Col. Reynaldo Malapad, hindi pa rin nito isasabit ang kanyang uniporme dahil patuloy pa rin itong magseserbisyo sa bayan lalo na sa pag pagpaimplementa ng Mandatory ROTC.
Priority ngayon ng outgoing GruCom ang kanyang mga anak at magsisilbing fulltime na ina at ama ng mga ito at bilang isang farmer at negosyante.
Plano naman ni De Ocampo na ipagpatuloy ang nasimulan ng mga naunang GruCom sa kanya upang lalo pang mapalakas ang layunin ng 3RCDG na gawing handa ang mga reservist pagdating sa panahon ng gyera at mga sakuna.
Bubuo rin ito ng mga bagong plano para sa 3RCDG lalo na sa oras na ma-implementa na ang Mandatory ROTC.
Hindi na rin aniya magiging mahirap ang pagpapaimplementa ng ROTC lalo na’t dati naman na itong naging mandatoryo at kailangan na lang tutukan ang mga pangangailangan nito at pagkukulang upang matagumpay na maisakatuparan ang nasabing programa.
Samantala, kasabay naman ng naganap na change of command at retirement ceremony ay ang pagpapasinaya sa bagong 302nd (TLC) Community Defense Center Building at Ready Reserve Barracks kung saan kasama sa mga nanguna rito ay sina Col. Samuel Manzano, acting commander ng Army Reserve Command, Tarlac Vice Governor Carlito David at Tarlac Board Member Jessie Aquino.
Malaki naman ang pasasalamat ni Vice Governor Carlito David sa naitulong ni Malapad sa naging pamumuno nito sa 3RCDG at sa probinsya ng Tarlac at makakaasa naman ang bagong GruCom na kanila itong susuportahan sa anumang layunin nito gaya ng kanilang pagsuporta sa nasabing opisyal.