SISIGURADUHIN ng Army Reserve Command na bago maipaimplementa ang Mandatory ROTC sa bansa na handa sila katuwang na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang masiguro na wala nang makalulusot pa na mali na siyang gagamitin ng mga makakaliwa upang muli itong mawala.
Sa panayam ng SMNI News sa acting commander ng Army Reserve Command na si Col. Samuel Manzano, malaking hamon para sa kanila ang magiging implementasyon ng ROTC lalo na sa oras na maging mandatoryo na ito.
Ani Manzano, bagamat suportado ito ng mga senador ang pagsusulong ng Mandatory ROTC ay maganda pa rin na dahan-dahan muna ang magiging implementasyon nito gaya ng pilot testing sa mga unibersidad.
“Let’s say magkakaroon muna ng mga pilot testing, tapos habang ginagawa mo ang pilot testing doon natin makikita yung mga kakulangan natin. And eventually i-expand natin yung pilot testing. Siguro unahin muna implement yung mandatory sa mga state universities parang ganun na scheme. Later on, i-expand uli doon sa mga private colleges and universities parang ganoon ang nakikita. Para naman hindi mabigla sa logistics, requirement at pag-implement ng program,” ayon kay Col. Samuel Manzano, Acting Commander, ARESCOM.
Uunti-untiin aniya ang pagpapaimplementa ng programa upang masiguro na magiging maayos ang pagpapatupad nito.
Dagdag pa ni Manzano, natuto na ang AFP sa mga nangyari sa nakaraan kaya’t ibi-brifieng at sasanayin ang lahat ng mga trainor nang maigi bago ipa-implementa ang programa lalo na’t ang mga pagkakamali ng nasabing programa ang ginagamit ng mga makakaliwa upang sirain ang pamahalaan at muli itong mawala sa batas.
“Palagi kong sinasabi sa mga administrators, bantayan ninyo ang inyong mga behavior, ang inyong mga operations dealing with your cadets kasi once na magkamali kayo ito ang gagamitin nilang isyu, magkakapitalize sila dito para harangin na naman ang implementation ng Mandatory ROTC,” aniya pa.
Hindi rin ito magagawa ng AFP lang nang mag-isa at kailangan ang tulong ng iba’t ibang ahensya upang masiguro na walang palpak, at matagumpay ang magiging implementasyon nito.
Muling iginiit ni Manzano na hindi lamang sakuna at kalamidad ang pinaghahandaan sa panahon ngayon dahil sa oras na may sumiklab na giyera sa ibang bansa, ay hindi na maiiwasan na madamay ang Pilipinas.
“Hindi lang disaster yung pinaghahandaan kundi pinaghahandaan din natin ang depensa ng ating lugar. Ang kaguluhan o ang posibleng pag-atake ng isang bansa sa isang bansa ay parang sunog. Hindi mo alam kung kailan. So paano mo marereduce ang magiging epekto nito? Ma-rereduce mo lang ang epekto nito kung ikaw ay handa,” aniya.
Samantala, malaki rin ang magiging parte ng mga retired military personnel ng AFP upang makatulong sa pagpapaimplementa ng ROTC lalo na at may limitasyon din ang AFP pagdating sa manpower.