LUSOT na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2816 o ang panukalang magtatakda ng termino ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Sa sesyon sa plenaryo ngayong Martes, Enero katorse, dalawampu’t dalawa na senador ang bumoto pabor sa panukala, walang nag-abstain at walang tumutol.
Ayon kay Senador Imee Marcos, magkakaroon na ng mas malalim na pang-unawa ang mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng SK sa mga isyung pambansa at lokal, gayundin ang implementasyon ng kanilang mga medium at long-term na inisyatibo sa antas ng barangay sa mas mahabang at tiyak na termino.
“With the longer fixed term, the barangay officials and members of the SK will deepen their understanding of both national and local issues, as well as implement their own medium and long-term initiative at the barangay level,” ayon kay Sen. Imee Marcos.
Sa ilalim ng panukala, ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at mga miyembro ng SK ay magiging apat na taon at walang halal na opisyal ng barangay ang maaaring magsilbi ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.
Nakasaad din sa panukala na “ang susunod na regular na halalan para sa barangay at SK ay gaganapin sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at tuwing apat na taon pagkatapos nito.
Ang termino ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng SK na mahalal pagkatapos ng bisa ng batas na ito ay magsisimula sa unang araw ng Nobyembre pagkatapos ng kanilang halalan.
Kapag naging batas na ito, mananatili sa kanilang mga posisyon ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at mga miyembro ng SK maliban kung sila’y aalisin o sususpindihin dahil sa isang dahilan, hanggang sa mapili at maging kwalipikado ang kanilang mga kapalit.
Ang mga kasalukuyang halal na opisyal ng barangay na nagsisilbi sa kanilang ikatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong posisyon sa halalan ng Barangay at SK sa Oktubre 2027.