MALUGOD na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang bagong vice chief of staff sa katauhan ni Major General Arthur Cordura.
Ito ay bilang kapalit ni AFP deputy chief of staff Vice Admiral Rommel Anthony Reyes na pansamantalang umupo sa pwesto matapos magretiro si Lieutenant General Erickson Gloria noong Setyembre 2022.
Pinuri ni AFP chief of staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro, na nanguna sa Change of Chief of Office Ceremony sa Camp Aguinaldo, ang karanasan at mga nagawa ni Cordura bilang isang opisyal at lingkod-bayan.
Kumpiyansa si Bacarro na patuloy na ipapakita ni Cordura ang kanyang mabuting pamumuno lalo’t siya ang kauna-unahang Vice Chief of Staff na maninilbihan ng tatlong taon sa ilalim ng RA 11709.
Si Cordura ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Bigkis Lahi” Class of 1990 at may mahigit 32 taong karanasan bilang opisyal ng militar.
Siya ang kasalukuyang vice commander ng Philippine Air Force.