NAPANATILI ng Tropical Storm Auring ang lakas nito habang dahan-dahang papalapit sa silangang bahagi ng baybayin ng Caraga Region.
Sa Severe Weather Bulletin ng PAGASA, naitalang nasa 595 km. ng Silangan Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ang bagyo na may malakas na hangin ng 75kph malapit sa sentro at pabugsong aabot sa 90kph.
Kumikilos ang bagyong Auring pahilaga na may bilis na 15kph at inaasahang mag-landfall sa silangang bahagi ng Caraga Region sa Linggo ng hapon o gabi.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao habang ang pinagsamang bugso ng hanging Amihan at bagyong Auring ay magbibigay ng malakas hanggang sa mas malakas na hangin.
Sa Visayas, itinaas ang TCWS No. 1 sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu, Negros Oriental, Bohol, at Siquijor.
Sa Mindanao ay nakataas ang TCWS No. 1 sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao City, Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Bukidnon, at Lanao del Sur.
Mula Sabado ng tanghali hanggang sa Linggo ng tanghali, inihayag ng PAGASA na makararanas ng malakas hanggang sa matinding ulan sa Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Island, at ng Eastern Samar.
Banayad hanggang sa malakas na pag-ulan at paminsan-minsang pagtindi ng ulan ang mararanasan sa Misamis Oriental, Camiguin, at sa natitira pang lugar ng Caraga, habang mahina hanggang sa banayad at paminsan-minsang paglakas ng ulan ang mararanasan naman sa Central Visayas, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, at sa natitira pang bahagi ng Northern Mindanao at Eastern Visayas.