SISIMULAN na ng bansa ang inoculations o bakunahan kontra COVID ngayong araw kasunod ng pagdating ng nasa 600,000 doses ng Sinovac vaccine sa Pilipinas kahapon.
Sisimulan ang bakunahan sa mga pangunahing referral COVID-19 hospitals tulad ng Philippine General Hospital, Philippine Lung Center at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium o Tala Hospital.
Ayon kay Sen. Bong Go, isa sa mga unang babakunahan sa PGH ay si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. habang si Health Secretary Francisco Duque ay maaaring magpaturok sa Lung Center o sa East Ave Medical Center.
Mauuuna na aniyang magpaturok ang mga ito para ipabatid sa publiko na mapagkakatiwalaan ang Sinovac vaccine na mula sa bansang China at ligtas itong gamitin pagkatapos itong aprubahan ng Food and Drug Administration o FDA.
Matatandaan naman na una nang sinabi ng FDA na hindi nila inirerekomenda ang Sinovac vaccine sa mga health workers na mismong nanggagamot ng COVID-19 patients.
Napag-alaman na ang naturang bakuna ay mayroon lamang 50 percent efficacy rate pagdating sa mga health workers lalo na sa mga exposed sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sinabi naman ni Dr. Jonas del Rosario, 12 percent lamang mula sa 2,000 na mga empleyado, healthcare workers at support staff ang nais magpabakuna ng Sinovac.