MULING ipagdiriwang sa San Juan City ang makulay at tradisyunal na basaan o Wattah Wattah Festival ngayong Hunyo 24 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Kaugnay nito, inilabas ng lokal na pamahalaan ang bagong ordinansa na nagtatakda ng mga panuntunan upang mapanatili ang public safety and order sa kasagsagan ng selebrasyon.
Kasunod ito ng mga insidente noong nakaraang taon kung saan ilang residente, motorista, at mga papasok sa trabaho ang sapilitang nabasa, nasaktan, at nabahala dahil sa mga hindi kontroladong aktibidad.
“Nitong mga nakaraang dekada, hindi lamang ho taon, tuwing Kapiyestahan ng San Juan ay nasanay po ang mga tao na talagang nagbabasaan. Ngunit ang nagiging problema ay nadadamay po ang mga tao na pumapasok sa trabaho, pumapasok sa paaralan, mga nananahimik. Sila po ay nasasaktan, nababasa, at nasisira ang kanilang mga gamit. At ito po dapat ay hindi na mangyari. Kaya po isinagawa po natin ang mga pagbabagong ito,” wika Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Ayon sa ordinansa, isang Basaan Zone lamang ang papayagan sa kahabaan ng Pinaglabanan Road at tanging doon lang maaaring makipagbasaan ang mga kalahok.
Ipinagbabawal sa loob at labas ng Basaan Zone ang paggamit ng maduming tubig, sapilitang pagbubukas ng mga sasakyan; pananakit o pananakot; pagsampa, pagyanig o pag-uga ng mga sasakyan; pagpasok sa mga sasakyan; pambabasa sa hindi Basaan Zone; paggamit ng hindi authorized fire trucks; at paggamit ng highly pressurized water sprayer.
“Kung gusto niyong makipagdiwang sa aming kapiyestihan, papasok po kayo sa Basaan Zone. Ibig sabihin ginusto ninyong makipagbasaan. Ginusto ninyong mambasa at mabasa. Ginusto ninyong makipagdiwang sa aming kapiyestihan.”
“Kung ayaw niyo pong mabasa, huwag po kayong mag-alala. Basta hindi kayo nasa loob ng Basaan Zone, hindi po kayo mababasa dahil bawal po iyan,” saad ni Zamora.
Ipatutupad rin ang liquor ban mula 12:01 AM hanggang 2:00 PM ng Hunyo 24 upang maiwasan ang anumang insidente ng kaguluhan o karahasan sa gitna ng kasiyahan.
Para sa mga lalabag, may katapat itong multang 5,000 piso at maaaring makulong ng hanggang 10 araw.
Kung menor de edad naman ang mahuling lumalabag, agad itong ituturn-over sa City Social Welfare and Development Office, habang ang magulang ang pananagutin at kailangang magbayad ng kaparehong halaga ng multa.
Bilang paghahanda, magdedeploy ang San Juan LGU ng mahigit 300 pulis para tiyaking mahigpit na maipatutupad ang mga alituntunin at maging ligtas at maayos ang pagdiriwang para sa lahat.