TILA nababalewala lamang ang mga maliliit na negosyante o vendors sa lipunan sapagkat marahil, maliit lang din ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya.
Pero para sa isang abogado at senatorial aspirant na si Atty. Angelo de Alban, dapat bigyan ng pagkakataon ang mga nasa micro and small businesses na sila ay umangat.
Dagdag pa nito, dapat ding gumawa ng mga batas na makatutulong sa mga maliliit na negosyo.
“Kailangan natin silang himukin na maipasok na being informal economy at ipapasok natin sila para makapagbigay din sila ng buwis kahit papaano, bigyan natin sila ng insentibo,” pahayag ni Atty. Angelo de Alban, Senatorial Aspirant.
Naniniwala si De Alban na kapag nararamdaman ng mga maliliit na negosyante na sila ay parte ng ekonomiya, gaganahan silang kumita.
Saad pa ng abogado, mainam na mabigyan din sila ng pagkakataon na ma-educate kung papaano ang wastong pagpapatakbo ng isang negosyo.
Kasabay nito’y ang pagsulong niya ng financial literacy para sa lahat.
“Kung humihingi sila ng tulong kung papaano sila aangat sa buhay, bigyan natin sila ng pagkakataon, bigyan natin sila ng proper training on how to run their businesses, bigyan natin sila ng proper training kung ano ang gagawin nila kapag sila ay kumita,” ani De Alban.
Malaking pondo para sa ‘capital use’ ng mga maliliit na negosyante, isusulong ng isang senatorial aspirant
Para naman kay dating Defense Secretary Norberto Gonzales na isa ring senatorial aspirant at nakasabay ni Atty. De Alban sa nasabing panayam, dapat na tingnan ang sistema ng ekonomiya ng bansa.
“Ang akala natin kapag yumayaman ang mayaman, yayaman din ang ating bansa, ibig sabihin gaganda din ang buhay ng lahat. Pero nakikita natin ngayon, payaman nang payaman ang ating mga mayayaman at hindi naman gumaganda ang buhay ng mga ordinaryong mamamayan,” wika ni Norberto Gonzales, Senatorial Aspirant.
Kaya giit ni Gonzales, kailangang pantayin ang oportunidad para sa lahat na makapaghanapbuhay, makapagnegosyo, at makatulong sa paglago ng ekonomiya.
Kaya naman, kapag papalaring mahalal sa Senado, isusulong niya ang pagkakaroon ng isang napakalaking pondo para sa capital use: hindi lang para sa mga mayayaman kundi lalo’t pati sa mga maliliit na negosyante.
“Naniniwala ako na ‘yung entrepreneurial spirit ng nakakarami nating mahihirap at mga ordinaryong mamamayan, ‘yan ang higit na makapagtataas ng ekonomiya ng bansa. ‘Yang malaking capital, ibibigay natin diyan,” dagdag ni Gonzales.