INUMPISAHAN ang Talong Festival ng bayan ng Villasis ng parada at eksibisyon ng drum and bugle corps ng Virgen Milagrosa University Foundation at sinundan ito ng motorcade nitong umaga ng Enero 12.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI North Luzon, ibinahagi ni Villasis Mayor Nonato Abrenica na malaking tulong noon ang town festival dahil kumikita ito ng malaki sa pamamagitan ng popularity contest na siyang ginamit sa pagpapatayo ng mga gusali gaya ng munisipyo, legislative, overpass, at auditorium.
Ngunit dahil aniya sa hindi pa gaanong nakarekober mula sa nagdaang pandemya ang bayan ay ginawang simple na lamang muna ang selebrasyon kaya sa halip na popularity contest ay pinalitan ito ng beauty contest.
“After the COVID talagang last year ‘di pa naman ano…this year hindi pa rin so I’ll be hoping with the coming years ay babalik na sa dati.”
“For the past several years halos lahat ng mga projects is finance by the popularity contest maraming mga tao na medyo talagang very helpful sila mukhang nag-drain din siguro,” ayon kay Mayor Nonato Abrenica, Villasis, Pangasinan.
Kabilang sa mga aktibidad na magtatapos sa Enero 20 ang Thanksgiving Night, Manny Manantan Cup Tennis Tournament, Villasis Singing Idol, SK Night, Farmer’s Day, TODA Night, Retirees Day, Educator’s Night, Barangay Night Street Dance Competition, Talong Cookfest, at Coronation ng Balikbayan Night.
Ipinagmalaki rin ni Abrenica ang pagtanggap ng parangal ng Seal of Good Local Governance (SGLG) Awards noong 2023.
Aniya, pangatlong SGLG Awards na ang natanggap ng kanilang bayan.
Ang SGLG Award ay pagkilala sa mga local government unit (LGUs) na may magandang performance kaugnay sa transparency at accountability ng paggamit ng pondo ng bayan.
Plano ni Abrenica para sa taong ito ang pagbili ng bagong sementeryo at pagtayo ng sariling rice mill ng bayan para sa kanilang rice drying facility.
Kabilang din sa proyekto ng punongbayan para sa taong ito ang pagpapalaki ng kanilang rural health unit para sa dumadaming mga nagkakasakit, mga kalsada, drainage, at marami pang iba.
Ika-154 na anibersaryo at town fiesta 2024 ng Pozorrubio, tampok ang sikat na produkto ng Pozorrubians
Sa kaugnay na balita, nagdiriwang din ng kanilang month long celebration ang bayan ng Pozorrubio ngayong buwan ng Enero para sa kanilang ika-154 na anibersaryo at town fiesta.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI North Luzon, sinabi ni Pozorrubio Tourism Officer Maria Christina Calachan na siksik ng masasayang aktibidad ang selebrasyon tampok ang Alumni Homecoming, Balikbayan Night at Patupat Festival.
Isa sa highlights ng piyesta ang mga produkto na gawa ng mga Pozorrubians.
“We take pride in promoting our sugarcane-based products because all of them are unadulterated, very pure po sila so the reason why we are annually holding the Patupat Festival is for us to promote the authenticity of the ingredients of Patupat-making process and then, of course, we are also promoting other local food products such as the mango product, the cacao-based products,” wika ni Maria Christina Calachan, Pozorrubio Tourism Officer.
Aniya, umaangat na industriya ang cacao-based products sa kanilang bayan kaya nais pa nilang maipakilala ang mga produkto gaya ng dark chocolate, milk chocolate, at cacao tableya.
Naglaan ang bayan ng Pozorrubio ng isang araw para sa turismo upang maipakilala ang iba’t ibang lokal na produkto ng Pozorrubians at hinikayat ang mga karatig bayan sa Pangasinan na bumisita at makisaya sa kanilang selebrasyon at matikman ang kanilang ipinagmamalaking produkto.