Benepisyo ng PUV modernization sa mga pasahero, inilatag ng Office of Transportation Cooperatives

Benepisyo ng PUV modernization sa mga pasahero, inilatag ng Office of Transportation Cooperatives

IPINALIWANAG ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) kung paano makikinabang ang mga mananakay sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa press briefing sa Malacañang nitong Lunes, Enero 15, sinabi ni OTC chairperson Jesus Ferdinand Ortega na ang deperensiya kapag sumakay sa isang modern vehicle, ibig sabihin, naiangat ang standards at mas ligtas ito.

“Ang sakayan, babaan po ay nasa side as compared siya sa likod. Mas marami pong aksidente kapag nasa likod po iyong bumababa,” saad ni Jesus Ferdinand Ortega, Chairperson, Office of Transportation Cooperatives.

Bukod dito, ani Ortega, mas convenient din ang modern jeeps dahil bukod sa may aircon, ay mas maluwang ang loob nito ikumpara sa traditional jeepney.

Isa pang magandang hatid ng modernisasyon ng PUV ay ang paggamit ng Euro 4 engine, na isang pamantayan sa mga environment-friendly na sasakyan.

Sa ilalim din ng programa, magkakaroon ng proper dispatching o fleet management ang isang kooperatiba.

“With proper dispatching po, 24-hours po dapat ilabas iyong sasakyan, hindi po isang driver, tatlong drivers po iyan, tatlong shift po iyan, so what does it mean, reliable po ang sasakyan natin ngayon sa murang halaga as compared to taxis wherein you could see these vehicles 24-hours po,” dagdag ni Ortega.

Mga tsuper, magiging salary-based na at makatatanggap ng social, health benefits sa ilalim ng PUV modernization—OTC

Ipinaliwanag din ni Ortega ang benepisyo ng PUV modernization sa mga tsuper.

Aniya, kapag miyembro na ng kooperatiba ang isang driver, ay magiging salary-based na ang paghahanap buhay nito at mayroon pang overtime pay.

“Tapos na po iyong relasyon ng driver-operator – they now become a member of cooperative. Sabi nga po, unang-una, once naging full na po iyong kooperatiba… salary-based na po iyong mga drivers natin – may overtime po iyon ‘pag lumagpas ng eight hours,” ani Ortega.

Makatatanggap na rin ang mga tsuper ng social at health benefits.

“Tapos sila po magmi-member na ng SSS, Pag-IBIG at saka PhilHealth. So, ang mga drivers po ngayon ay para nang empleyado po sa Makati or sa Cubao ‘no. Tapos po as member ng coop, may dibidendo rin po iyon ‘no, may dibidendo po,” dagdag ni Ortega.

Inihayag pa ng OTC chief na ang isang transport cooperative ay maaari ding maging multi-purpose cooperative, na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga driver.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble