BAGSAK-presyo ang itlog sa mga pamilihan sa Metro Manila dahil sa mababang demand. Pero, tila hindi ito ramdam ng ilang mamili.
Hindi mawawala sa food cravings nating mga Pilipino ang pagkain ng iba’t ibang masasarap na street foods tulad ng fish ball, squid ball, kikiam at ang patok sa masa na kwek-kwek o tokneneng.
Dahil sa halagang P20 maaari ka nang makakain ng iyong paboritong street food.
“Nakakabusog pa rin, gutom…kapag wala kang pera ito na lang mura-mura kaunti,” ayon kay Hio, Mamimili.
Pero, papaano na lamang kung ang iyong paboritong kwek-kwek o tokneneng ay posibleng magtaas-presyo?
Mataas pa rin anila ang hango na itlog sa pinagkukuhanang supplier ni Tatay Leonardo na isang street food vendor.
“Kasi ‘yung pinakamababa noon ay P170, sa ngayon ay P175 na ang deliver dito sa akin at ‘yun namang pugo ay sa ngayon ay tumaas din P5 kahapon din P170 tapos ngayon ay P175 na,” ayon kay Leonardo, Vendor.
Ang grupo ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sinasabing bagsak presyo na ang bentahan ng itlog ngayon.
May ilang palengke na rin sa Metro Manila ang nagbebenta ng mababang presyo ng itlog tulad sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Makakabili ka sa halagang P4 – P7 kada piraso, malayo sa halos P8 – P10.
“Marami daw kasi nag-alaga ngayon ulit, dati kasi nagkaroon ng bird flu nagsara ‘yung ibang farm, kaya ngayon ay nagbukas ulit,” ayon kay Noel, Tindero ng Itlog.
Bibili na ng mas maraming itlog na pangkonsumo si Ate Maribeth dahil ramdam na niya ang pagbaba ng presyo nito.
“Bumibili kami sometimes ng itlog ng tig-2 tray pero noong nagmahal siya kalahating tray na lang, pero ngayon ay mas bibili ako ng marami,” ayon kay Maribeth, Mamimili.
Paliwanag ni Rosendo So, chairman ng SINAG, ang pagbagsak sa presyo ng itlog ay dulot ng oversupply.
Bumaba ang demand noong 2023 kung kailan nagparami ng produksiyon ang mga poultry raiser.
Kaya, panawagan nila ay mapataas ang demand sa itlog.
“Ang mangyayari niyan, ang mga small, nagpo-produce ng itlog ay talagang magko-close down kung tuluy-tuloy ang pagbagsak ng presyo. By 3 to 4 months naman ‘yan ay pataas naman ang presyo ,” ayon kay Rosendo So, Chairman, SINAG
Ang Department of Agriculture (DA) ay nakikipagtulungan na sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan para maisulong ang pagkain ng itlog para mapataas ang demand nito.
“Kaya katuwang natin ‘yung National Nutrition Council at tsaka DSWD para to promote ‘yung pagkain ng itlog,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.