Bentahan ng sibuyas sa Kadiwa stores, tigil muna simula ngayong araw

Bentahan ng sibuyas sa Kadiwa stores, tigil muna simula ngayong araw

ITITIGIL muna ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng sibuyas sa mga Kadiwa outlet ng DA simula ngayong araw ng Biyernes.

Paliwanag ni DA Asec. Kristine Evangelista, naibenta na lahat sa Kadiwa store ang suplay na sakop ng memorandum of agreement sa pagitan ng DA at Food Terminal Incorporated (FTI) na napaso noong December 31, 2022.

Pero, nag-uusap na ang DA at FTI para bumuo ng supplemental MOA para muling makakuha ng suplay at makapagbenta ng murang sibuyas.

Dagdag ni Evangelista na bagamat ubos na ang suplay ng sibuyas mula sa Bonena Multipurpose Cooperative ay hindi ibig sabihin ay naubos na ang pondo na P140 milyon.

Ani Asec Kristine, may natitira pang pondo at maaari pang gamitin sa ikalawang cycle ng pagbili ng sibuyas sa mga magsasaka.

Positibo si Evangelista na sa oras na maayos ang proseso para sa ikalawang cycle ng pagbebenta ng sibuyas, posibleng mas mababa pa sa umiiral noon na P170 ang presyo nito.

Maari pa ring direktang magbenta ng sibuyas ang mga magsasaka sa Kadiwa outlets, ngunit hindi muna sa DA-subsidized na presyo.

 

Follow SMNI News on Twitter