MAS maraming kamatis, mas masarap.
Iyan ang sabi ni Aling Bing Bohol, tuwing nagluluto ito ng kanyang paboritong kinamatisang baboy, sarciadong isda, at ginisang ampalaya.
Tuwing mura raw kasi ang kilo ng kamatis ay dinadamihan na niya ang pamimili dahil bukod sa nagpapasarap ito sa pagkain ay mayaman din ito sa bitamina.
Pero, preno muna raw siya sa pamimili nito – paano ba naman kasi pagpasok pa lang ng bagong taon ay mala-ginto na ang presyo nito.
‘’Sobrang mahal nakakaloka kasi hindi mo expected na ganon kataas mahirap kasi mas gustuhin mong mag-ulam ng tuyo kaysa mag-gulay. Masarap sana ang gulay para sa mga bata kaso mataas,’’ ayon kay Bing Bohol na mamimili.
Imbes naman na sinigang na hipon – ia-adobo na lang muna ni Tatay Eddie ang kanyang biniling hipon na uulamin nilang pamilya sa pananghalian.
Kamatis kasi ang isa rin sa mga kailangang rekado na nananatiling mahal simula pa noong 2024 hanggang sa kasalukuyan.
Punto niya, kasing presyo na rin ng karneng baboy at baka ang presyuhan ng kamatis ngayon.
‘’Yang kamatis nga minsan makabili para sa sinabawang isda bibili kami ng dalawang piraso titipiran namin ‘yan tag-isa lang bawat…sobrang mahal,’’ saad ni Eddie Gil.
Sabi ng ilang tindera ng gulay – pumapalo na sa halos P400/KG ang bentahan nila ng Kamatis.
But, wait there’s more! Hindi lang naman kamatis ang hanggang ngayon ang dagdag pasanin sa mga konsyumer.
Sa Marikina Public Market kasi ang kada kilo ng siling labuyo ay nagkakahalaga ngayon ng P1,000.
Sa Litex Market sa Quezon City – P600 ang kada kilo naman ng bell pepper.
‘’Siguro po sa suplay din at tsaka sa panahon din po hindi natin masabi. Depende rin po kasi sa producer ba. ‘Yung iba no choice naman na kahit mahal or mura bibili talaga. Kami nga ay kahit mahal ang paninda mag-mahal siya or sa mura ay bibili pa rin kami maka-kumpleto lang,’’ ani Jievelyn Lanon.
Kakulangan sa suplay ng kamatis, dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo sa merkado—DA
Paliwanag naman ng kagawaran ng agrikultura – hindi pa raw nakakabangon ang ilang probinsya na pangunahing pinagkukuhanan ng suplay sa Metro Manila dahil sa masamang panahon.
‘’Because of series of typhoons last year cause extensive damage to the crops in their vegetative reproductive stage particularly in Regions or areas producing..kagaya ng tomatoes, bell pepper at chili pepper. So, in particular in Regions 2, Region 5 and 4A. This resulted in significant supply shortages,’’ ayon kay Asec. Arnel De Mesa.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng DA Disaster Risk Reduction and Management, pumalo na sa higit P14 milyon ang inisyal na pinsala sa sektor ng Agrikultura.
Kasunod ito sa nararanasang sama rin ng panahon tulad ng northeast monsoon, shearline, at ITCZ.
Naapektuhan ang halos 1,000 ektarya ng pananim na palay, mais, gulay ng 1,000 magsasaka sa Western Visayas at Soccsksargen.