BFP Makati sa fire drill ng SMNI: Maayos at aware ang lahat

BFP Makati sa fire drill ng SMNI: Maayos at aware ang lahat

PAGTUNOG ng fire alarm, agad-agad lumabas ang mga empleyado ng SMNI sa ACQ Tower sa Makati nitong Linggo ng umaga.

Tiniyak ng mga SMNI security personnel na walang ni isang empleyado na naiwan sa bawat palapag ng gusali.

Pinuri ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Makati ang isinigawang fire drill ng pamunuan ng SMNI.

“So far maganda po ‘yung pag-evacuate nila. Maayos naman po ‘yung paglabas nila sa fire exit. Tapos ‘yung ginagawang pag-account, tama po iyon kasi doon natin malalaman kung may naiwan ba sa building. At least aware ang lahat po. Okay po siya,” ayon kay SFO3 Alona Sibayan, Bureau of Fire Protection – Makati.

Ang ikinasang fire drill ay paghahanda ng SMNI sa harap ng panganib ng pagtaas ng insidente ng sunog dulot ng mararanasang tagtuyot dulot ng El Niño.

Layon nito na maitaas ang kaalaman ng mga empleyado nito sa mga fire safety measures sa panahon ng emergency.

Paghahanda rin ito ng network para sa papalapit na Fire Prevention Month sa Marso.

Lumahok sa fire drill ang mga empleyado ng SMNI mula sa mga reporters, anchors, social media department, DZAR 1026 Sonshine Radio, at iba pa.

BFP Makati, humanga sa mga babaeng empleyado ng SMNI

Humanga naman ang BFP Makati sa mga babaeng empleyado ng SMNI sa kanilang dedikasyon at tapang na ipinamalas upang matuto sa pag-apula ng sunog.

“Lalo na ‘yung mga babae, talagang willing silang matuto. Hindi sila ‘yung kailangan mo talagang pakiusapan para mag-participate. Sila mismo ‘yung nakiki-participate at ‘yun po ang maganda. Ibig sabihin na’appreciate nila ‘yung ginagawa nating ito,” ayon pa kay SFO3 Alona Sibayan, Bureau of Fire Protection – Makati.

Pag-apula ng sunog, isang pangkahalatang responsibilidad—BFP Makati

Binigyang-diin naman ng BFP Makati ang kahalagahan ng fire drill sa mga kompanya lalo na ngayong tag-init.

Isa sa mga dahilan ng sunog sa mga workplace ay ang pagkalimot na matanggal ang mga appliances o mga kagamitan sa saksakan.

Nakakatulong ang fire drill ayon sa BFP para maisaisip ng bawat empleyado na hindi lamang trabaho ng ahensiya ang pag-apula ng sunog ngunit ito ay pangkalahatan na responsibilidad.

“Ngayon nasubukan na natin maapula ng apoy, una pa lang alam na agad ang gagawin natin kung patayin. Hindi na natin siya mahintay para lumaki pa,” dagdag ni Sibayan.

“Responsible din tayo sa workplace natin. Tulad noon, halimbawa sa opisina. Nagawan na ng praan ninyo, ng brigade ninyo na naapula, so kami sa Bureau of Fire, medyo malaki din ang pasasalamat namin,” aniya.

Follow SMNI NEWS on Twitter