BI, nagbabala sa mga OFW na bumibili ng pekeng dokumento sa socmed

BI, nagbabala sa mga OFW na bumibili ng pekeng dokumento sa socmed

MULI na namang nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino na nais na magtrabaho abroad na laging tiyakin na dadaan ang mga ito sa legal na paraan.

Sinabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, posibleng may sindikato sa likod na iba’t ibang scam online.

Bagamat wala pa aniyang maibigay na datos ay marami na sa mga kababayan nating OFW ang patuloy na naloloko.

“Hindi na bago itong modus na ito dati na po natin itong nakikita, ngayon po ang nakikita natin na medyo parang merong resurgence ng modus na ito mostly because of social media dahil may mga nagbebenta online on Facebook, on TikTok even mas madalas po sa WhatsApp, ‘yung mga social media application” saad ni Dana Sandoval, Spokesperson, Bureau of Immigration.

Nito lamang nakaraang linggo ay naharang ng mga opisyal ng B-I sa Clark International Airport (CIA) ang isang 49-anyos na babaeng biktima na nagtangkang umalis sakay ng  Emirates Airlines papuntang United Arab Emirates (UAE) matapos magpakita ng pekeng Overseas Employment Certificate (OEC).

Sa pangalawang inspeksiyon, inamin ng biktima na ang pekeng OEC ay binili niya sa pamamagitan ng WhatsApp, at nagbayad siya ng P7,200-K na ipinadala sa pamamagitan ng money transfer.

Nang sumunod na araw naman, Mayo 26, isa pang biktima, na kinilala lamang sa pangalang ‘Lovely’, 25, ang naharang matapos na magtangkang umalis para magtrabaho sa Kuwait sa pamamagitan  ng Gulf Air flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Una nang ipinakita ni ‘Lovely’ ang naka-print niyang kopya ng Overseas Employment Certificate (OEC) sa immigration authorities, kasama ang kaniyang employment contract. Dito, nakumpirmang peke ang kaniyang mga dokumento.

Aminado si Lovely na nakuha aniya ang kaniyang employment certificate mula sa isang Facebook account na tinatawag na “OEC Appointment” sa halagang P500.

Ang Overseas Employment Certificate (OEC) ay isang dokumento na kinakailangan sa mga Pilipino na nagtra-trabaho o nag-a-apply para sa trabaho sa ibang bansa.

Ito ay isang uri ng clearance na nagpapatunay na ang Overseas Filipino Worker (OFW) ay nasa legal na proseso ng pagtra-trabaho sa ibang bansa at sumusunod sa mga regulasyon ng gobyerno ng Pilipinas gaya ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ang OEC ay nakakatulong din sa pagprotekta sa karapatan ng OFWs at sa kanilang kaligtasan habang sila ay nagtra-trabaho sa ibang bansa.

“Ang ating mga kababayan kapag nai- intercept po natin at nakikita natin na biktima sila ng human trafficking, or illegal recruitment, hindi po natin sila dine-detain, they are treated po as victims, sila po naloko, at napa oo sa mga ganitong uri ng scheme,” ayon pa kay Sandoval.

Sinabi rin ni Sandoval na madaling ma-detect ng immigration officer kung peke o hindi ang mga dokumento ng sinumang indibidwal, at sa pamamagitan ito ng tinatawag na Joint System.

Bukod pa dito ay may secondary checking pa silang ginagawa sa mga nahaharang na mga OFW kung saan nakikipag-ugnayan din sila sa tanggapan ng DMW.

Itinuturing ding human trafficking at non-bailable offense ang mga nahuhuling illegal recruiters o sinumang nagbibigay ng pekeng dokumento sa mga papapaalis na Pinoy workers abroad.

“Sa mga kababayan natin na nais magtrabaho abroad ‘wag po tayong papatol sa ilegal na paraan, always check, double check and triple check, lagi po nating sinasabi na ‘wag po tayong basta-basta magpapadala ng pera sa kung sino-sino, ‘yan po ang usual na modus ng illegal recruiters na ito ng mga manloloko na ito,” ani Sandoval.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter