MALAPIT nang maging batas ang isang panukala na susugpo sa panlilinlang at iba pang krimen gamit ang Subscriber Identity Module (SIM) card.
Ito’y matapos ratipikahan ng Senado noong Miyerkules, Pebrero 2, ang Bicameral Conference report sa mga pinagtagpong mga probisyon ng Senate Bill No. 2395 at House Bill No. 5793, o panukalang SIM Card Registration Act.
Ayon kay Senator Grace Poe, Senate Public Services Committee chair, napagkasunduan ng mga kasama sa bicam ang ilang magkasalungat ng probisyon ng dalawang legislative proposal.
“Napagkasunduan sa Bicameral Conference Committee na gamitin ang bersyon ng Kamara bilang working draft subalit mas ginamit ang maraming probisyon ng Senado,” pahayag ni Poe sa kanyang ulat sa Hybrid Plenary Session.
Ilan sa mga napagkasunduan sa bicameral panel ayon kay Poe ay ang mandato na lahat ng public telecommunications entities (PTEs) ay inoobligang magparehistro ng SIM card bilang prerequisite sa kanilang pagbebenta at activation.
Bukod diyan, nakasaad din sa bicam report na lahat ng social media network ay dapat hingan ng tunay na pangalan at phone number ng mga user sa pagbuo ng account.
Lahat ng umiiral na SIM card subscribers na may active service ay kailangang magparehistro sa loob ng 190 araw mula sa pagiging aktibo ng naturang batas.
Ang PTEs ay pinahihintulang mag-deactivate ng SIM card numbers na hindi narehistro sa loob ng itinakdang panahon.
Sabi ni Poe, nilinaw ng mga mambabatas na pinapayagan din ang pagbenta ng SIM cards sa mga dayuhan basta’t sumusunod sila sa ilang requirement tulad ng passport at pruweba ng kanilang address sa Pilipinas, bukod sa iba pa.
Ang mga datos na nakolekta mula sa pagpaparehistro ay ipapasa at itatago ng PTE sa isang centralized database na magsisilbing rehistro para sa proseso, activation o deactivation ng subscription at hindi dapat gamitin sa anumang layunin.
“Anumang impormasyon na makukuha sa registration process ay hindi maaaring ibunyag sa sinuman maliban na lang kung pagsunod sa anumang batas na nag-aatas sa pagbunyag nito, tulad ng Data Privacy Act; o pagsunod sa court order o anumang legal process; o written consent ng subscriber. Hindi pinapayagan ang waiver of absolute confidentiality,”pagtitiyak ni Poe.
Idinagdag din ng Bicameral Conference Committee ang isang mahalagang probisyong nag-aatas sa PTEs at social media providers na itago ang mga makabuluhang datos at impormasyon sa loob ng 10 taon mula sa panahon na nag-deactivate ang end-user ng kanyang mobile number o social media account.
“Umaasa kami na sa pamamagitan nito, masasawata na ang mga mobile phone, internet o electronic communication-aided criminal activity. Inaasahan kong sa pagpapasa ng panukalang ito, magkakaroon ng mas ligtas na mobile use at cyberspace sa ating bansa,” diin ni Poe.