Bicol Region, hindi pa nakapagpatupad ng wage hike bunsod ng epekto ng nagdaang kalamidad—DOLE

Bicol Region, hindi pa nakapagpatupad ng wage hike bunsod ng epekto ng nagdaang kalamidad—DOLE

MAYROON pang isang rehiyon sa bansa na hindi nagpatupad ng wage increase noong pagtatapos ng 2024.

Ito ang inihayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma dahil aniya sa isang mabigat na kadahilanan.

Saad ni Laguesma, nabugbog sa kalamidad ang Region 5 o Bicol Region kaya hindi nakapag-implementa ng wage hike sa kanilang lugar.

Nabatid na nag-isyu ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ng wage orders sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), gayundin sa Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), 3 (Central Luzon), 4-A (CALABARZON), at 4-B (MIMAROPA).

Ang iba pang mga lugar na binigyan ng wage adjustments ay ang Regions 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 9 (Zamboanga Peninsula), 10 (Northern Mindanao), 12 (SOCCSKSARGEN at 13 (Caraga).

“And then, 14 regions have actually completed. Iyong isa kasi, iyong Region XI, January ito, ngayon magsisimula ang kaniyang proseso, so lahat halos ng region except nga iyong Region V, nakatapos na,” ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.

Ibinahagi ng kalihim na mismong kinatawan ng manggagawa sa RTWPB ang siyang nagmungkahi na huwag na munang ituloy ang talakayan kaugnay ng umento sa sahod sa Bicol Region.

“Ipagpaliban natin at hayaan nating makabangon ang mga negosyo, ang mga enterprises dito sa Bicol Region. Kasi sunod-sunod iyong tumama sa kaniya talaga na weather disturbances,” ani Laguesma.

Iniulat ng DOLE na halos limang milyong private sector workers na minimum wage earners ang direktang nakinabang sa wage hike na inaprubahan ng 14 Regional Tripartite Wage Productivity Boards noong 2024.

Naatasan naman ang iba’t ibang RTWPBs na magsagawa ng tinatawag na timely review, 60 araw bago ang pagkakapaso o bago ang anniversary date ng pinakahuling wage order.

“Ang layunin ay medyo i-facilitate at nang sa ganoon, pagdating ng anibersaryo natapos na iyong proseso, hindi nagkakaroon ng puwang or gap doon sa pagpasok ng panibagong wage adjustment,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble