KINALAMPAG ngayon ng isang kumpanya ang Bureau of Customs (BOC) na ipatupad na ang matagal nang nakauma na modernization program sa ahensya.
Ito’y para matanggal na ang mga isyu ng smuggling sa BOC.
Humarap ngayong araw sa media ang Omniprime Marketing Inc. para kalampagin ang BOC.
Ito’y matapos iutos ng korte sa Maynila ang agarang pagpatutupad ng computerized processing system ng ahensya na nagkakahalaga ng P650-million.
Ang proyekto na napanalunan ng joint venture ng Intrasoft International Inc. at Omniprime Marketing Incorporated noon pang April 2015, ay ang pamalit sa lumang sistema ng BOC na Electronic-to-Mobile o E2M.
Kasama rin dito ang Phase Two ng Philippine’s National Single Window na patatakbuhin sa isang platform o sistema.
Layunin ng proyekto na gawing fully electronic at paperless ang mga transaksyon sa Customs kaya malaki sana ang maitutulong nito para masawata ang smuggling.
Gamit nito, magkakaroon ng monitoring kung saan nanggaling at saan papunta ang mga kargamento in real time.
Ayon sa tagapagsalita at legal counsel ng kompanya na si Atty. Israelito Torreon, matagal na sanang naisakatuparan ang modernization sa BOC ngunit ilang beses itong naharang.
Umabot pa nga sa Supreme Court ang kasuhan kung saan kinatigan ng kataas-taasang hukuman ang pagpatupad ng proyekto.
“Ang nangyari noong umupo si Commissioner Alberto Lina, anim na araw lang pina-stop niya ito. Kasi daw gusto niyang i-evaluate muna. Pero yung evaluation naging total stoppage,” sinabi ni Atty. Israelito Torreon, Legal Counsel and Spokesperson, Joint Venture of Intrasoft International and OMI.
Ngunit giit ngayon ng korte, wala nang legal na balakid para hindi matuloy ang proyekto dahil ang kanilang kautusan ay final at executory na.
Partikular sa pinagagalaw nila si Customs Chief Rey Leonardo Guerrero na ipatupad na ang kontrata para sa Customs modernization.
Hindi raw kasi sila hinaharap ng Customs chief.
“So kaya ngayon it is incumbent upon us to convince the present government to implement this long-delayed processing system in the Customs. So that once we deal with Customs it will be fully electronic, fully transparent, and man contact-free and at least ma-lessen ang corruption sa Customs kung meron man,” ayon pa kay Torreon.
Umaasa naman ang kampo nila Torreon na matutupad na ang kontrata at malagyan ng pondo ang proyekto.
“Tama na ho sana yung mga moves na to prevent the modernization of the Customs Processing System. Para sa bayan naman po tayo. Sana po yung mga nakaupo sa Customs tama na po. I-implement na po natin yung tama,” saad ni Torreon.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Customs sa isyu.
Mananatili namang bukas ang SMNI News sa kanilang panig.