BIHIRA lamang magpaunlak ng panayam ang mga kapatid ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ngunit sa gitna ng patuloy at matinding suporta ng milyun-milyong Pilipino mula sa loob at labas ng bansa, minabuti ng kanilang pamilya na ipahayag ang kanilang damdamin.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, ipinahayag ng bunsong kapatid ni FPRRD ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa nagkakaisang panawagan ng sambayanan—isang patunay na hindi kumukupas ang tiwala at pagmamahal ng taumbayan sa dating Pangulo.
“I am one with the people around the world for the call to bring him home. And it would be a nice birthday gift for him to be home with his family,” ayon kay Bong Duterte, Bunsong Kapatid ni FPRRD.
Sa darating na Marso 28, ipagdiriwang ni FPRRD ang kaniyang ika-80 kaarawan.
Ayon sa kaniyang bunsong kapatid, kailanman ay hindi naging mahilig si Duterte sa magarbong pagdiriwang. Mas pinipili niyang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan nang simple at pribado, kasama lamang ang kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan—malayo sa ingay at kasikatan, tulad ng kaniyang nakagawiang paraan ng pamumuhay.
“PRRD, as far as my memory goes, he likes to spend his birthday privately. So that is why every time, you know, birthday niya na ganon, he never celebrates it with many people,” ayon pa kay Bong.
Pero ngayong taon, isang pambihirang selebrasyon ang nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo.
Dito sa Pilipinas, kabi-kabila ang mga aktibidad na inihahanda ng mga tagasuporta ni FPRRD. Kamakailan lamang, nagtipon-tipon ang iba’t ibang volunteer groups sa Davao City upang pagplanuhan ang isang malaking pagdiriwang na magsisilbing pagpapakita ng kanilang walang sawang suporta at pasasalamat.
Hindi rin nagpahuli ang mga Pilipino sa ibang bansa—lalo na sa Europe, kung saan matatagpuan ang ICC. May mga nakahandang programa roon upang iparating ang kanilang mensahe: ang patuloy na paninindigan para kay FPRRD.
Para sa kaniyang pamilya, isang malinaw na pahayag ang ipinapakita ng sambayanan—hindi nagbabago ang tiwala at pagmamahal ng taumbayan para sa dating Pangulo.
“It just shows that the Filipino, majority of the Filipino people worldwide, are now awakened and they already somehow not in agreement with what’s happening in our country,” giit nito.
Sa gitna ng lahat ng ito, isang taos-pusong panalangin ang ipinaabot ng pamilya Duterte—na makauwi si FPRRD sa kaniyang bayan, lalo na sa mismong araw ng kaniyang kaarawan.
At kasabay rito, isang mahalagang apela ang binitiwan ni Bong Duterte para sa ICC.
“My only wish, as a birthday wish also, is that ICC would allow him before the trial starts to voice his manifestation—whatever is on his mind, so that it might help the ICC gauge the merit, but at least for the world to listen and understand how he feels and what is on his mind,” mensahe nito.