HABANG papalapit ang Pasko, nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko laban sa mga scammer na nagpapanggap na opisyal o empleyado ng ahensiya para manghingi ng pera o anumang uri ng solicitation.
Sinabi ng CAAP, tumataas ang bilang ng mga reklamo hinggil sa mga modus operandi ng mga scammer.
Giit ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal at tauhan ng ahensiya ang pangangalap ng pondo mula sa mga pribadong indibidwal o organisasyon.
“Ang mga opisyal at mga tauhan namin, bawal na bawal po iyan, mandato ng agency naming iyan, DOTr na bawal mag-solicit ng pondo, especially this Christmas,” wika ni Eric Apolonio, Spokesperson, CAAP.
Karaniwang ginagamit ng mga scammer ang text messages at social media para manghingi ng pera para sa umano’y Christmas party ng CAAP.
Nilinaw ni Apolonio na walang malaking Christmas party ang CAAP; magkakaroon lamang ng simpleng aktibidad para sa mga anak ng mga empleyado.
“Sa ngayon kasi may Children’s Hour tayo, so ‘yung mga anak ng CAAP employees ay, I think next week i-gather nila lahat ‘yung magpupunta, so ‘yung ating Director General Captain Manuel Antonio Tamayo siya ‘yung lalabas na Santa Claus para sa mga bata,” paliwanag ni Apolonio.
Nanawagan ang CAAP sa publiko na maging alerto at mag-ingat sa mga kahina-hinalang indibidwal na nagsasabing kinatawan ng ahensiya.
Ang mga may impormasyon hinggil sa mga ganitong gawain ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa CAAP para makapagsampa ng reklamo. Ang mga mapatutunayang nagkasala ay mahaharap sa mga kaukulang parusa.
Tiniyak din ng CAAP na ang lahat ng opisyal na komunikasyon at anunsiyo ay matatagpuan lamang sa kanilang opisyal na website at Facebook page.