PANGUNGUNAHAN mismo ng Task Force Manila Shield ang mahigpit na pagpapapasok sa lungsod ng Maynila 3 araw bago ng nakatakdang pagpapalit ng pwesto ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa simula Hunyo 27.
Bukod pa ito sa matagal nang preparasyon sa seguridad sa palibot ng National Museum kung saan gaganapin ang pagpapalit ng liderato ng bansa.
Sasabayan din ito ng istriktong implementasyon ng gun ban mula Hunyo 27 sa buong National Capital Region (NCR).
Sa pahayag ni Police Major General Valeriano de Leon, director for operations ng PNP, layunin nitong maiwasan ang paglaganap ng kriminalidad at mga nais manggulo sa pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng bansa.
Nauna na ring inatasan ni De Leon ang lahat ng police commanders sa mga karatig probinsiya ng NCR para sa malalimang intelligence-gathering sa mga posibleng banta sa seguridad ng papaalis at papasok na administrasyon.
Bagama’t inaasahan na aniya ng kanilang hanay ang malawakang mga pagkilos ng maraming activist groups, pero tiniyak nitong hindi ito makakalapit sa mismong lugar ng inagurasyon bagkus bibigyan ang mga ito ng tamang lugar para makapagpahayag ng kanilang saloobin na hindi naaagrabyado sa kanilang mga karapatan.
Ngayong hapon lamang, muling pinangunahan ni PNP OIC LtGen. Vicente Danao, Jr. ang isang pulong para sa kaayusan at seguridad sa inagurasyon ni PBBM.
Ang Inter-agency meeting for Inauguration/Oath taking Ceremony ni PBBM ay dinaluhan ng ilang matataas na opisyal ng kapulisan, DILG, AFP, MMDA, Presidential Security Group, representative ng Office of the President at tauhan ni incoming PBBM.
Kaugnay nito, tinalakay sa nasabing pagpupulong ang ilang mga security measures upang matiyak ang seguridad ni PBBM, first family at mga dadalo sa naturang inagurasyon.
Inatasan din ni OIC PNP Danao sina NCRPO RD PMGen. Felipe Natividad at MPD DD PBGen. Leo M. Francisco na siguruhin ang maayos at tamang deployment o latag ng kapulisan ilang araw bago at hanggang matapos ang makasaysayang panunumpa ni PBBM.
Napag-alaman na patuloy na mag-iikot si PLtGen. Danao sa lungsod ng Maynila upang masiguro ang maayos na security measures ng pulisya.