HINILING ng China sa Japan na magkaloob ng visa exemptions para sa Chinese nationals na mayroong diplomatic at official passports.
Ganito umano ang paraan na iniaalok ng Japan sa dose-dosenang bansa.
Ang Beijing ay nagbigay ng hiling bilang isang kondisyon upang buhayin ang pre-COVID-19 unilateral practice kung saan mayroong exemption para sa short-term visitors na Japanese.
Mula 2003 hanggang 2020, pinapayagan ng China ang Japanese nationals na bumisita ng visa-free sa bansa nito ng hanggang 50 araw habang hinihiling naman ng Japan sa Chinese visitors na magkaroon ng visa kahit na gaano pa katagal ang kanilang pananatili.
Hinihiling ng Tokyo sa Chinese visa applicants na magpakita ng kaukulang kita nito dahil pinangangambahan umano ng bansa na ang visa exemption ay magdulot sa pagtaas ng bilang ng Chinese na nag-o-overstay sa Japan.
Samantala, inihayag naman ng isang source na hindi madaling maibigay ang kahilingang ito ng China lalo na sa mga nasa panig ng conservative government.
Sa kabuuan, ang Japan ay kasalukuyang nag-aalok ng visa-free treatment sa diplomatic at official passport holders sa 60 bansa.
Mayroon namang visa exemption na ipinapatupad ang Tokyo para sa short term visitors mula sa 70 bansa at rehiyon kabilang na ang South Korea, Hong Kong, Taiwan, Thailand, Indonesia, United States, Britain, at Brazil.