NAPANALUNAN ng Muntinlupa City ang City Climate Action Award mula sa 2nd Citynet- Economic and Social Commission for Asia and the Pacific Sustainable Development Goals (ESCAP SDG) City Awards.
Para ito sa Energy Efficiency and Conservation Program ng lungsod na nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Saklaw ng nabanggit na programa ang pagbabawas ng electricity at fuel consumption ng lungsod sa pamamagitan ng energy efficient technologies, paggamit ng renewable energy at iba pang energy conservation measures.
Ang paggawad naman ng parangal ay kasabay ng 8th Pacific Urban Forum na ginagawa simula Oktubre 23-25 sa Suwon, South Korea.
Maliban sa Muntinlupa City ay shortlisted din ang ilang lugar ng Pilipinas sa ibang parangal.
Halimbawa rito ang Baguio para sa “Baguio Streets for Children”; Balanga, Bataan para sa “Barangay Learning Hub”; Makati para sa “Department of Environmental Services Webinar Program”; at Quezon City para sa “QCBPLD Digital Transformation”.