Clark Dev’t Corp. employees, nanawagan ng tulong kay PBBM dahil babawasan ang kanilang sahod at benepisyo

Clark Dev’t Corp. employees, nanawagan ng tulong kay PBBM dahil babawasan ang kanilang sahod at benepisyo

DUMULOG ang mga manggagawa ng Clark Development Corporation (CDC) sa Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa malaking problema na kanilang kahaharapin.

Daing nila na ihinto ang pagpatutupad ng Compensation and Classification System.

Ang classification system ay bunga ng Government Owned and Control Corporations (GOCC) Governance Act of 2011 na naisabatas sa panahon ni late Pangulong “Noynoy” Aquino.

Dahil dito, lahat ng GOCC kasama ang CDC ay inilagay sa superbisyon ng Governance Commission for GOCCS (GCG).

At sa evaluation ng GCG, imbes na dagdagan ang sahod at benepisyo ng mga taga-CDC ay tatapyasan pa ito ng hanggang 30%.

Nasa P32,000 ang pinakamababang sahod ng isang taga-CDC at kung matutuloy ang bawassahod ay magiging P16,000 na lamang ang aabutin nito.

“Ang ino-offer ng CPCS ay 16,000. Opo, mawawala pa po ang health at retirement,” pahayag ni Edsel Manalili, Union President ng mga taga-CDC.

“Hindi po namin alam kung saan po ibinase ng GCG yung kanilang pag-aaral. Where in fact may mga sinubmit kami na classification doon para po sa upgrading ng aming mga position. Pero hindi po namin alam kung paano nila ginawa,” ayon naman kay Victor Barbieto, Presidente ng Association of CDC Supervisory Personnel.

Kaya sa kanilang hinanakit, nagmartsa nitong Biyernes ang mga empleyado kahit umuulan para igiit ang kanilang karapatan.

Bilang solusyon, panawagan nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na amyendahan ang GOCC Governance Act at huwag isama ang CDC dahil sila naman ay economic zone.

Lalo na’t hindi umano umaksyon dito ang nagdaang liderato ng CDC.

“Bilang siya na po ang presidente natin ngayon, naniniwala kami sa kanya. Na matutulungan niya kami sa lahat ng mga proyekto niya, agenda niya para sa ikauunlad ng ating bayan. Naniniwala po kami kay President BBM,” ani Barbieto.

Ayon sa mga taga-CDC, wala silang makuhang sagot sa GCG at sa kanilang board dahil sa pagpapalit ng administrasyon.

 

Follow SMNI News on Twitter