COVID-19 Alert Level System, ipapatupad sa labas ng NCR kung patuloy na bababa ang bilang ng kaso sa rehiyon

COVID-19 Alert Level System, ipapatupad sa labas ng NCR kung patuloy na bababa ang bilang ng kaso sa rehiyon

POSIBLENG ipatupad ng pandemic task force ang COVID-19 alert system sa labas ng Metro Manila kung tuluyang bababa ang naitatalang bagong kaso sa National Capital Region (NCR).

“Kapag nakita na maliwanag dahil po rito ay patuloy ang pagbaba ng kaso, palalawigin na po ito sa ibang lugar ng bansa,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Kabilang sa mga factor na sinusuri ng Inter-agency Task Force (IATF) sa pilot implementation ng COVID-19 alert system sa National Capital Region ay ang bilang ng mga kaso, ang healthcare utilization rate, at two-week growth rate.

Tinitingnan rin ng task force ang case-to-contact ratio na kasalukuyang 1:19 o isang kaso kada labing siyam na close contact.

Dagdag ni Duque kasama rin sa pinag-aaralan ang katiyakan ng mga lokal na pamahalaan hinggil sa kakayahang tumugon ng kani-kanilang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at ang higit na pagpalawig ng COVID referral system.

“Nakikita po naman natin na patuloy ang pagbaba ng mga kaso sa NCR at diumano sa buong Pilipinas except for a few areas,” saad ng health secretary.

Sa naunang briefing ng Department of Health (DOH) sinabi nito na bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila ngunit anila may pagbaba rin sa COVID-19 testing.

Paliwanag ng DOH bumaba ang testing capacity ng mga laboratoryo at mas pinipili ng mga Local Government Unit (LGU) ang antigen testing kaysa sa  Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Matatandaang pinalawig pa ang pilot implementation ng COVID-19 alert level system sa NCR hanggang October 15.

SMNI NEWS