PATULOY ngayon ang ginagawang cyber forensics ng Armed Forces of the Philippines (AFP) vs bomb threats katuwang ang ibang ahensiya ng pamahalaan.
Nabulabog kamakailan ang ilang lugar sa Luzon matapos ang sunud-sunod na bomb threats sa ilang government offices kabilang ang ilang mga paaaralan sa Metro Manila.
Maging sa Bataan at Zambales na nagresulta sa biglaang pagsuspinde sa mga pasok.
Base sa mga nakalap na impormasyon, nagmula ang mga bomb threat sa isang Japanese na kinilala sa pangalang Takahiro Karasawa.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) ang nabanggit na suspek din ang responsable sa kaparehong bomb threat sa ilang gusali dito sa bansa noong nakaraang buwan ng Setyembre at Oktubre 2023.
“A person who introduced himself as Takahiro Karasawa, who claimed to be a Japanese lawyer, has been using the same email to send bomb threat messages,” saad ni Col Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Ang pahayag na ito ng PNP ay sinang-ayunan ng AFP
Sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP na ang responsable sa mga naunang bomb threat nitong mga nakaraang taon ay isa ring Japanese.
“’Yung nangyari nitong huli, there were two. One was a different message and the other and declare a hoax. So ‘yun it was going on so many years so parang paulit-ulit na lang siya, there was this Japanese named guy stating na magkakaroon ng bomb threat and all that,” pahayag ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
Dagdag pa ni Padilla matapos nilang matanggap ang report ay agad nila itong inaksiyunan.
“Parang airport ‘yan eh sa AFP for you to become an effective security you have to become paranoid so ‘pag may mga ganyang details we have to act on it, it’s better to act rather not act on it, ‘yan yung pinaka-mantra jan,” ani Padilla.
Kaugnay rito patuloy ngayon ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng AFP sa ibang ahensiya ng pamahalaan upang maresolba ang naturang isyu.
“Because of that circulating through email, we can consider that as a cyberattack so we that we are collaborating effort also those who are in charge of cyber defenses in the Philippines we have the other agencies the CICC, NBI who has a cyber forensic for this reassured that we are acting on this to finally end this hoax attacks in the cyber domain,” dagdag ni Padilla.
Samantala, tinanggap ng PNP – Explosive Ordinance and Disposal (EOD)/K9 Group ang anim na EOD robots mula sa embahada ng Amerika.
Ang nabanggit na bagong kagamitan ay nagkakahalaga ng aabot sa P45-M.
Ayon kay PGen. Benjamin Acoda Jr., malaki ang tulong ng nasabing kagamitan para sa puwersa ng kapulisan lalo na sa pagresponde sa mga bomb threat at mga kahina-hinalang kagamitan.
“This is a big thing because in responding to bomb threats and especially in suspicious packages, it’s very dangerous and these robots will definitely lessen the risk of our personnel,” pahayag ni PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief PNP.