Daan-daang libong kaanib ng Iglesia ni Cristo, nagtipon para sa National Rally for Peace sa Davao City

Daan-daang libong kaanib ng Iglesia ni Cristo, nagtipon para sa National Rally for Peace sa Davao City

LIBU-libong kaanib ng Iglesia ni Cristo mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang dumalo sa National Rally for Peace na ginanap sa Davao City. Pinuno nila ang mga pangunahing kalsada at lugar, kabilang ang San Pedro Square, upang ipahayag ang kanilang paninindigan para sa kapayapaan at suporta kay VP Inday Sara Duterte.

Madaling araw pa lamang ay nagsimula nang magdatingan ang daan-daang bus at pribadong sasakyan, sakay ang mga miyembro mula sa buong Davao Region, General Santos City, Koronadal, North Cotabato, Maguindanao, Sarangani, Sultan Kudarat, Cagayan de Oro at Davao City.

Sa dami ng mga dumalo, hindi na magkasya ang lahat sa San Pedro Square. Kaya naman, naglagay ng mga LED monitors sa bawat kalye upang masubaybayan ng iba ang programa mula sa malayo.

Bilang suporta sa pagtitipon, sinuspinde ng pamahalaang lungsod ang face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ang mga tanggapan ng pamahalaan naman ay nagpatupad ng skeleton workforce, habang ang mga ahensiyang may mahahalagang tungkulin tulad ng kalusugan, seguridad, at pagtugon sa sakuna ay nanatiling aktibo.

Mahigpit din ang seguridad, kung saan libu-libong mga security personell ang nakatalaga upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Kasabay ng National Rally for Peace, ginanap rin ang “Walk for Sara,” isang aktibidad ng mga tagasuporta ni VP Inday Sara Duterte na naglalayong ipahayag ang suporta sa kanya laban sa impeachment complaint. Ito ay magsisimula sa Roxas Freedom Park patungong Rizal Park.

Samantala isang espesyal na pagdalo ang natuklasan ng lahat sa pagdating ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Ama ni Vice President Inday Sara Duterte na tumanggap naman ng mainit na pagtanggap mula sa lahat ng dumalo.

Sa kabila ng dami ng tao, nananatili ang kapayapaan at kaayusan sa programa. Umaasa ang lahat na magiging matagumpay ang layunin ng rally, hindi lamang para sa kapayapaan kundi para rin sa pagkakaisa ng sambayanan di lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa.

As of 3:00 PM, tinatayang nasa mahigit 230,000 ang nakiisa sa isinagawang National Rally for Peace ng INC mula sa Region 12 at 11.

Base ito sa talaan ng Davao City Police Office.

Maliban sa dami ng dumalo, nagpapakita rin ng malakas na suporta hindi lamang ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo kundi ng bawat Pilipino para kay Vice President Sara Duterte, kalakip na ang minimithing kapayapaan ng buong bansa at bawat Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble