PAYAPANG nakipag-ayos ang dalawang magkaaway na angkan sa kanilang dekadang hidwaan at isinuko ng mga ito ang 20 armas sa probinsiya ng Basilan.
Ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., Chief ng Western Mindanao Command (Westmincom), lumagda ng isang peace covenant ang mga pangunahing tauhan sa isang seremonya na ginanap sa headquarter ng 4th Special Forces Battalion sa Barangay Cabunbata, Isabela City ng nasabing probinsiya.
Kinilala ang mga pangunahing tauhan na sina Basi Aba at Uztadz Gapur ng Barangay Sulloh, Tapiantana Island, bayan ng Tabuan Lasa, at Barahim at Mirang Hassan ng Barangay Tong-Umos ng parehong isla.
Ang bayan ng Tabuan Lasa na may labindalawang barangay ay nahahati sa apat na mga isla. Ang iba pang tatlong isla ang Lanawan, ang kapital ng bayan, Bubuan, at Saluping.
Nangyari ang pagkikipag-ayos sa pamamagitan ng tulong ng 4SFBn sa pakipag-ugnayan ng Basilan Police Provincial Office, Ulama Council, Council of Elders, at ng pamahalaang bayan ng Tabuan-Lasa.
“Based on the report submitted by the Joint Task Force (JTF)-Basilan, the warring parties signed a peace covenant as a firm commitment to the settlement,” pahayag ni Vinluan.