IGINIIT ng Department of Justice (DOJ) na mahalaga ang pagsunod sa mga requirements ng pamahalaan lalo na maituturing na serbisyo publiko ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat.
Sa pananaw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay nagkaroon ng sadyang pandaraya sa operasyon ng lumubog na MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro.
Katunayan aniya, nakapaglayag na ng 18 beses ang barko ng kompanyang RDC Reield Marine Services, gamit ang mga pekeng dokumento na pirmado pa ng ilang matataas na opisyal ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Remulla na hindi puwedeng pera lang ang nakataya sa ganitong uri ng negosyo dahil may kasama aniya itong serbisyo publiko.