DOJ, may ebidensiya laban kay Jesus Falcis sa cyber libel

DOJ, may ebidensiya laban kay Jesus Falcis sa cyber libel

Maaaring mauwi sa paglilitis sa korte ang mga naging pahayag sa social media ng political commentator na si Jesus Falcis laban kay Navotas Representative Toby Tiangco.

Ito’y matapos irekomenda ng Malabon City Prosecutor’s Office ang pagsasampa ng kasong cyber libel at tatlong bilang ng unjust vexation laban kay Falcis.

Sa resolusyong may petsang Setyembre 28, 2026, na nilagdaan ni Assistant City Prosecutor Rafael Pangilinan, nakita ng prosekusyon na may sapat na batayan upang isulong ang mga kaso laban sa political commentator.

Kinumpirma rin mismo ng Department of Justice (DOJ) na nakakita ang mga piskal ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction laban kay Falcis.

“The City Prosecutor of Malabon has confirmed that, OCP Malabon found prima facie evidence with reasonable certainty of conviction against Jesus Falcis, for one count of cyber libel and three counts of unjust vexation,” ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez.

Nag-ugat ang reklamo sa serye ng mga Facebook post ni Falcis laban kay Tiangco mula Mayo 17, 2025 hanggang Abril 22, 2026.

Sa loob ng halos isang taon, umabot sa 38 ang mga social media post na inirereklamo ng mambabatas.

Ayon kay Tiangco, noong una ay hindi na lamang niya pinansin ang mga pahayag ni Falcis.

Ngunit habang tumatagal, naging mas madalas umano ang mga patutsada nito hanggang sa lumampas na umano sa lehitimong political commentary at naging sistematikong paninira sa kaniyang pagkatao at reputasyon.

Sa orihinal na 38 bilang ng cyber libel na inireklamo ni Tiangco, isang bilang nito ang inirekomendang isampa ng mga piskal, bukod pa sa tatlong bilang ng unjust vexation.

Una nang inihain ang reklamo sa Navotas City Prosecutor’s Office.

Subalit si Falcis mismo ang naghain ng mosyon para sa inhibition ng mga piskal at referral ng reklamo sa Secretary of Justice.

Dahil dito, naglabas ang DOJ ng Department Order No. 558 noong Hulyo 21, 2026, na naglipat sa preliminary investigation sa Malabon.

Layunin nitong matiyak ang transparency at alisin ang anumang pagdududa sa pagiging patas ng imbestigasyon.

Sa ngayon, wala pang nakasaad na tugon si Falcis sa impormasyong inilabas kaugnay ng rekomendasyon ng prosekusyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter