ININSPEKSYON ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Dolomite Beach sa Manila Bay ngayong araw.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, ito ay bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng Dolomite Beach sa publiko.
Dagdag ni Artes, target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maging swimmable ang naturang beach ngayong summer.
Hindi naman daw ito imposible dahil patuloy na bumababa ang coliform level ng tubig doon.
Malapit na rin matapos aniya ang isa pang sewerage treatment plant na makatutulong sa paglinis ng tubig na dumadaloy patungo sa beach.
Nauna nang sinabi ng DENR na target ng ahensya na maging swimmable o maaari nang malanguyan ang bahagi ng Manila Bay Dolomite Beach.
Ito ay sakaling mabuksan muli ito sa publiko sa susunod na buwan.