Duterte, nakatakdang bumisita sa mga lugar na apektado ng Bagyong Auring

INAASAHANG bibisita si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Auring sa Caraga Region ngayong Martes.

Ito ay upang matingnan ang mga pinsala na dulot ng bagyo ayon sa opisyal ng Palasyo.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, bibisitahin ni Duterte ang Caraga kasama ng ilang miyembro ng gabinete upang maglabas ng direktiba kung ano ang maaaring gawin sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente sa nasabing lugar.

“Weather permitting, the President intends to visit and bring with him some Cabinet members para mabilis din yung aksyon pag may nakita siya na mga gaps o kailangan pang gawin over and above what is already being done by government,” pahayag ni Nograles.

Gaganapin din ang situation briefing matapos ma-assess ng Pangulo ang pinsala ng lugar.

“We already got a briefing last night but the briefing will continue mamaya-maya pagdating ni Pangulong Duterte (is) on the ground. Based on the briefing and the reports and his visual observation on the ground, ay magbibigay naman po ng mga direktiba si Pangulo,” ani Nograles.

Tiniyak din ni Nograles na tumutugon ang mga local government unit sa sitwasyon ng rehiyon.

“Right now, ongoing naman po ang efforts ng ating government so si Pangulo will just add on kung mayroon siyang makitang kailangan pang gawin,” dagdag ni Nograles.

Ayon sa mga ulat, umapaw ang Tandag River sa Surigao del Sur sa kasagsagan ng Bagyong Auring na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa probinsiya.

Sa pinakahuling update ni National Disaster and Risk Reduction Council o NRDDMC spokesman Mark Timbal, isa ang nasawi at apat ang nawawala bunsod ng Bagyong Auring.

Kaugnay dito, 240 na mga kabahayan na ang nasira sa Region 11 at Caraga subalit 60 dito ang totally-damaged.

Limang flooding incidents ang nangyari sa Region 5 at 7 samantalang anim na landslides sa Region 5, 8 at 11.

Dalawa din ang sugatan kung saan ang isa ay natamaan ng yero at ang isa naman ay natamaan ng kidlat.

May mga naitala ring mga tulay at daan na temporaryong hindi madaanan.

Samantala, tiniyak naman ni Timbal na mananatiling nakahanda ang tulong ng kanilang ahensiya para sa mga nasalanta ng Bagyong Auring.

SMNI NEWS