DAVAO CITY — Maagang nagsidatingan ang mga partisipante sa Roxas Freedom Park para sa isinasagawang Duterte Senatoriable Motorcade na magmumula sa Davao City patungong Butuan ngayong araw, Mayo 3, 2025.
Ayon sa mga organizer, inaasahan nilang aabot sa 50 hanggang 100 sasakyan ang sasali sa naturang aktibidad, kabilang na ang mga private vehicles, motor clubs, at community groups mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Layunin ng motorcade na ipakita ang matibay na suporta sa mga senatoriable na kaalyado ng Duterte camp, partikular sa grupong tinaguriang “Duter10”, gayundin kay Vice President Inday Sara Duterte at sa panawagang pagpapabalik sa pulitika ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinisiguro naman ng Davao City PNP ang seguridad ng mga kalahok, gayundin ang kaayusan ng trapiko sa mga pangunahing lansangan na dadaanan ng convoy.
Ang naturang motorcade ay inaasahang dadaan sa mga lalawigan ng Davao de Oro, Agusan del Sur, at Agusan del Norte, bago magtapos sa Butuan City kung saan nakatakdang magdaos ng pagtitipon ang mga tagasuporta.