PBA, aprubado na ang Converge—TNT Trade

PBA, aprubado na ang Converge—TNT Trade

OPISYAL nang pinayagan ng PBA ang trade sa pagitan ng Converge FiberXers at TNT Tropang 5G na nagpalitan ng mga beteranong guard — si Jordan Heading para kay Mikey Williams.

Ang 29-years old na si Heading, ay lilipat na sa TNT para punan ang kakulangan ng Tropang 5G sa point guard position, lalo’t sidelined sina Jayson Castro, Rey Nambatac, at Jielo Razon.

Kahit hindi pa nakakapaglaro ngayong Philippine Cup dahil sa injury, inaasahang magiging malaking tulong siya sa kampanya ng TNT para sa inaasam na Grand Slam.

Noong Commissioner’s Cup, si Heading ay nag-average ng 17.8 points, 5.9 assists, at 4.5 rebounds, dahilan para mapabilang siya sa mga kandidatong Best Player of the Conference.

Sa kabilang banda, ang 33 years old na si Mikey Williams ay magkakaroon ng panibagong simula sa Converge matapos ang matagal na pagkawala sa PBA simula 2023 dahil sa kontraktwal na isyu. Isa siyang two-time PBA champion at Finals MVP, at kilala sa kanyang explosiveness sa opensa.

Makakasama ni Williams ang mga batang big men ng FiberXers na sina Justine Baltazar at Justin Arana, pati na rin si Alec Stockton, sa layuning palakasin pa ang kampanya ng Converge sa playoffs.

Ang trade ay isang direktang palitan lamang at pinapaniwalaang kapwa makikinabang ang dalawang koponan sa deal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble