INATAS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isailalim sa isang linggong enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus simula Marso 29 hanggang Abril 2.
Kabilang sa NCR Plus ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ang desisyon ng Pangulo ay ayon na rin sa inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
“Inaprubahan po ng ating Presidente ang rekomendasyon ng inyong IATF na ilagay muli sa enhanced community quarantine o ECQ ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sinabi ni Roque, na ipatutupad ang curfew hour mula 6 p.m. hanggang 5 a.m. sa nasabing mga lugar mula sa ipinatupad na 10 p.m. -5 a.m.
Sa ilalim ng ECQ, inatasan ang lahat ng mga residente na manatili sa bahay.
Limitado lamang ang pagkilos sa Authorized Persons Outside Residence, mga indibidwal na bumibili ng mahalagang pangangailangan sa araw-araw.
Pinagbawal na rin ang mass gathering at face-to-face classes sa loob ng ECQ.
Dine-in at religious gatherings ay bawal sa panahon ng ECQ ngunit manatili namang bukas ang mga mall para sa essential services.
Pinayagan naman ang transportasyon ngunit sa limitadong kapasidad lamang sa 50%.
Naitala ngayong Sabado ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa 9,595, pinakamataas na kaso simula nang manalasa ang pandemya sa bansa.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang 118,122 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Nagkaroon ng 481 na bagong gumaling mula sa COVID-19.
Tiniyak ni Roque na gagawin lahat ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang matigil ang paglaganap pa ng COVID-19.
“Huwag po tayong mawawalan ng loob. Tiniyak po natin na handa ang gobyerno at tutulungan po kayo,” aniya pa.
(BASAHIN: Gym, spa at internet cafe sa NCR, sarado muna ng 2 linggo)