NARARAPAT na dadalo sa isang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) ngayong Disyembre 19 si dating Negros Oriental Representative Arnie Teves, Jr.
Ito’y dahil nahaharap ito sa panibagong kaso na may kaugnayan sa terrorism financing.
Batay sa isang subpoena na may petsa noong Nobyembre 14, inihain laban kay Teves ang isang reklamo hinggil sa section 4 ng Republic Act No. 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 maging sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Sinasabing si Atty. Ferdinand Topacio ang dadalo sa nabanggit na preliminary investigation sa ngalan ng dating mambabatas.
Nauna nang itinalaga ng Anti-Terrorism Council bilang terorista si Teves kasama ang 11 iba pa dahil sa umano’y nangyayaring patayan at harassment sa Negros Oriental.