INIHAYAG ni Surallah Mayor Pedro Matinong Jr. sa ginanap na State of Municipal Address (SOMA) na magiging prayoridad aniya ang farm to market road sa Surallah LGU gayundin ang mga programa para sa mga kabataan.
Agrikultura ang isa sa pangunahing hanap-buhay ng mamamayan ng Surallah kaya lalo pang tututukan ng lokal na pamahalaan ang farm to market road nito.
Binigyang-diin ni Matinog na ang pagkakaroon ng Farm to Market Road Projects sa buong Surralah ay malaking tulong para sa mga magsasaka na mapadali ang pag-transport ng kanilang mga agriculture crops dahil sa maayos na daanan.
“Sa ating kagalang-galang na gabinet officials at kawani ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, ako po ay nanawagan sa inyong lahat na panahon na para mabigyan natin ng maayos at kongkretong daan ang ating mga magsasaka para maipadama natin na may gobyernong mayroon tayo, at higit sa lahat magbago ang kani-kanilang takbo sa buhay dahil sa mga magandang daan sa iba’t ibang barangay ng ating bayan ng Surallah,” ayon kay Hon. Pedro Matinong Jr., Municipal Mayor.
Programa para sa mga kabataan, palalakasin sa Surallah, South Cotabato
Kaugnay rito, palalakasin din ni Mayor Matinog ang mga programa para sa mga kabataan.
Ito’y ang edukasyon at sports upang patuloy na makamit ng mga kabataan ang kanilang mga minimithi sa buhay.
Dahil naniniwala si Matinog na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
“Sa sektor ng kabataan ayon sa ating bayaning si Doc Jose Rizal ang kabataan ang siyang pag-asa ng ating bayan at nakasalalay ang kinakaharap na bayan natin sa ating mga kabataan, prayoridad din nating ang ating mga kabataan sa mga programa nararapat sa kanila.” “Nakapagsagawa tayo ng iba’t ibang program para sa iba’t ibang integrated public schools sa iba’t ibang barangay, tayo ay nakapagbigay impormasyon at gabay sa ating mga senior high schools graduates…nagsagawa tayo ng mga programa para mailayo silang lahat sa masamang bisyo at kapahamakan, mapahalagahan ang edukasyon at mabigyan ng oportunidad para sa ika-uunlad ng kanilang buhay,” dagdag ni Matinong.
Maasahan naman ng mga mamamayan ng Surallah na marami pang mga programa at mga proyekto ang maiimplementa sa lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Matinong.