Foreign trips ni PBBM, nagbunga ng P4-T na kabuuang investments—DTI

Foreign trips ni PBBM, nagbunga ng P4-T na kabuuang investments—DTI

INIULAT ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naitalang P4.019-T o US$72.178-B na halaga ng mga pamumuhunan sa iba’t ibang investments stages na resulta ng mga pagbisita sa ibang bansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ng DTI na ang P4-T halaga ng pamumuhunan ay binubuo ng 148 na proyekto, ayon sa Disyembre 21, 2023 monitoring ng consolidated at processed investments.

Ang estado ng nabanggit na halaga ng investment ay nasa kategoryang ‘investment promotion agency registered with operations’ na nasa $205.53-M o ₱11.4-B; ‘business registered’ na nasa $983.21-M o ₱54.75-B; IPA registration in progress operations (US$5.079B or P282.8B); ‘signed agreement with clear financial project value’ na nasa $9.771-B o ₱544.152-B; ‘signed MOU o letter of intent’ na nasa $28.529-B o ₱1.588-T; at ‘confirmed investment’ na hindi pa sakop ng MOUs/LOIs at nasa planning stage pa lang na aabot sa $27.345-B o ₱1.522-T.

Binabantayan din ng DTI ang 20 proyekto na nabigyan ng greenlight at nakarehistro sa mga investment promotion agency (IPA) ng DTI, Board of Investments (BOI) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Ang mga pamumuhunan na ito ay karamihan sa mga sektor ng pagmamanupaktura, IT-BPM, renewable energy, data centers at telecommunications.

Inihayag pa ng DTI na kasama na rin sa kanilang monitoring ang business engagements sa pagbisita ng Pangulo sa Tokyo para sa ASEAN-Japan Commemorative Summit.

Ito ay kung saan naidagdag ang US$263.08-M o P14-B sa kabuuang halaga at siyam na pamumuhunan sa kabuuang bilang ng mga proyekto.

Sa update ng DTI noong Disyembre 14, inilahad nitong idinagdag sa monitoring ng ahensiya ang presidential visit sa Estados Unidos para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting sa San Francisco, na nagdagdag ng US$672.3-M (o 37.2 billion) sa total value at anim sa total project.

Kabilang dito ang pamumuhunan sa telecommunications, artificial intelligence (AI), manufacturing, health sciences/pharma manufacturing/health services at energy.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter