Foreign visits ni PBBM, nagresulta ng P427-B foreign investments—DTI

Foreign visits ni PBBM, nagresulta ng P427-B foreign investments—DTI

NAGRESULTA ng P427-B foreign investments ang foreign visits ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Board of Investments (BOI) kung saan napupunta karamihan sa sektor ng renewable energy.

Ito ang pinakahuling ulat na ibinahagi ni Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo sa ginanap na press briefing sa Malacañang nitong Martes.

“Natutuwa tayo at nasabi natin (kay President Marcos) na iyong kaniyang mga presidential visits have been resulting to actual investment registrations and approvals doon po sa ating mga investment promotion agencies,” ayon kay Usec. Ceferino Rodolfo, DTI.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, ani Rodolfo, umaabot ang investment approvals ng BOI sa P734-B.

Kung ikukumpara aniya ito noong January to September noong 2022, umabot lang ng P362-B ang investment approvals.

Hindi pa kasama rito ang humigit-kumulang P131-B pamumuhunan na inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) mula Enero hanggang Oktubre 2023.

Inilahad ng DTI official na karamihan sa mga pamumuhunan ng PEZA ay maaari ding ituring na direktang resulta ng mga pagbisita sa ibang bansa ng Pangulo.

Ito’y dahil marami sa mga ito ay nagmula sa Japan, China at Estados Unidos, na binisita ng Pangulo noong nakaraang taon at unang bahagi ng taong ito.

Ipinabatid din ni Rodolfo sa Pangulo ang tungkol sa kamakailang investments, na humigit-kumulang 80 porsiyento ng kabuuang foreign direct investment (FDI) registration ay dumadaan sa BOI.

Idinagdag pa ni Rodolfo na ang mga lokal na reporma at paghahanda na ginawa ng gobyerno bago ang mga pagbisita ay mahalaga rin sa mga pamumuhunan.

Halimbawa noong Nobyembre noong nakaraang taon, ang policy initiatives na isinagawa ng administrasyon ay ang pagtanggal ng foreign equity restrictions sa mga proyekto ng renewable energy at ang pagho-host ng Pangulo sa iba’t ibang pinuno na bumisita sa bansa.

“Tapos, hindi lang iyong visit na iyon mismo pero pati iyong mga pagtanggap ni Presidente sa mga bisita na nanggagaling sa ibang bansa. Pumunta ho dito iyong European Council President, si Madam Ursula Von der Leyen tapos napakaganda noong mga naging mensahe doon including the resumption of our FTA (Free Trade Agreements) negotiations with the EU,” ayon pa kay Rodolfo.

Ang kabuuang inaprubahang foreign investment registration ng BOI na P427-B ay kumakatawan sa 150% pagtaas kumpara sa rekord noong nakaraang taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter