SINIGURO ni Balungao Mayor Riza Peralta na mag-eenjoy ang lahat ng mga bisita sa ipinagdiriwang na piyesta ng bayan kasama na ang Goat Festival, Chevon Cooking, at marami pang iba.
Kilala ang bayan ng Balungao sa mayaman nitong agrikultura kabilang ang industriya ng pagpapalaki ng mga kambing.
Simula 2006, naging kaugalian na sa bayan ang pagdiriwang ng Goat Festival bilang pagpapasalamat sa mayamang industriya nito.
Dito rin ibinibida ng mga taga-Balungao ang native at imported breed ng mga kambing, at iba’t ibang luto nito.
Isa ito sa dinadagsa ng mga tao mula sa iba’t ibang bayan.
At ngayong taon, ayon mismo kay Mayor Peralta, mas mag-eenjoy ang mga tao sa inihandang mga aktibidad para sa piyesta.
“Ang event natin, ang pinaka-highlight natin diyan is actually the Chevon Cooking, ang ating Mutya Pre-Pageant at ang ating Mutya Grand Coronation Night. Ayan po, hindi po magtatapos na may mga boring parts tayo, dito sa mga event natin, and pretty sure, mag-eenjoy ang lahat,” ayon kay Mayor Riza Peralta, Balungao, Pangasinan.
Ipinagmamalaki rin ngayon ni Mayor Peralta ang pagkakaroon ng mga magaganda at matatalinong kababaihan sa bayan na sasabak sa Mutya ng Balungao.
Pagdating naman sa turismo, inaasahan ni Peralta na mas maraming turista ang dadagsa sa bayan lalo na sa Longest Zipline, Hot and Cool Spring, Coffee Convergence Project, at Gatasan Kalabaw ng Bayan.
Hinihikayat din ng mayora na makisaya sa selebrasyon ng piyesta na magtatagal hanggang Marso 23.
Samantala, ilan sa mga special guest na dumalo sa festival ay sina DAR Sec. Conrad Estrella at Pangasinan 6th District Representative Marly Agabas.
Sa susunod naman na taon, balak ng mayora na gawing kompetisyon ang Street Dancing at ang Drum and Bugle Corp. kung matapos na ang cultural center ng bayan.
“Every year meron tayo. Actually, this is another milestone kasi after the pandemic, nagbukas tayo, binuksan natin ulit mga activities. Actually, hindi ‘yun competition, it’s an exhibition, and ‘yung mga bata pinapakita talaga nila ‘yung mga talents nila, ang gagaling. And so, maybe the next year, doon kami, magkakaroon ng mga competitions, coz we have to limit also our time kasi hindi pa nagagawa ‘yung ating bagong cultural center, kaya makita niyo, medyo mainit doon sa venue,” ani Mayor Peralta.
Tiniyak naman ng kapulisan sa bayan na magiging mapayapa ang buong selebrasyon lalo na sa pagdagsa ng mga tao sa coronation night ng Mutya ng Balungao sa Marso 23.
“Sa amin po sa PNP, tuluy-tuloy po ang aming pakikipag-tulungan sa LGU at sa ating mga force multiplier para mapanatili po ang katahimikan sa bayan po ng Balungao,” ayon kay PMaj. Jimmy Paningbatan, Chief of Police, Balungao.
Sa mga hahabol sa selebrasyon, maaari pang matunghayan ang mga kapana-panabik na aktibidad ng bayan tulad ng Quiz Bee, Balikbayan Night at Grand Coronation Night ng Mutya ng Balungao sa Marso 23.