HINDI susundin ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang anim na buwang suspensiyon na ipinataw sa kaniya ng Office of the Ombudsman.
Sabi ng gobernadora—hindi ito maaaring ipatupad dahil sa election period.
“What should be very clear today we are writing to Secretary Remulla, and I am not stepping down,” pahayag ni Gov. Gwendolyn Garcia, Cebu.
Sa halip na bumaba sa puwesto, inatasan ni Garcia ang kaniyang kampo na maghain ng motion for clarification sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nahaharap ang gobernador sa mabibigat na reklamong grave abuse of authority, gross misconduct, at serious dishonesty—kaugnay ng umano’y ilegal na pagbibigay ng special permit sa isang construction company.
Sabi ng Ombudsman, malinaw ang paglabag ni Garcia sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials).
Hindi ito ang unang beses na kinuwestiyon ang integridad ni Garcia—noong 2012, sinuspinde rin siya dahil sa grave abuse of authority matapos ilipat ang panlalawigang budget nang walang basbas ng Sangguniang Panlalawigan.
Bukod rito, naharap din siya sa mga kasong administratibo at graft na umabot pa sa Sandiganbayan.
Sa kabila ng malinaw na batayan ng suspensiyon, pinalalabas ngayon ng kaniyang kampo na hindi ito maaaring ipatupad dahil sa election period—isang taktikang tinutuligsa ng mga legal expert bilang desperadong paraan para makaiwas sa pananagutan.
Para naman sa mga Cebuano, ang tahasang pagtanggi ni Garcia na sumunod ay malinaw na kawalan ng respeto sa batas, na nagpapahina sa tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.