KABILANG sa nagtipon at sumabay sa parada ang sektor ng mga kabataan, trabahante mula sa mga Provincial Government Office ng Mountain Province at mga uniformed personnel na may temang ‘Nagkakaisang hakbang tungo sa tuloy tuloy na kapayapaan at kaunlaran ng probinsya’ kamakailan.
Bitbit ng mga ito ang mga placard ng pagkondena sa Communist Terrorist Groups (CTGs) na CPP-NPA-NDF.
Sa mensahe ni Board Member Henry Bastian Jr. na kinatawan ni Gov. Bonifacio Lacwasan Jr., binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan para sa ikauunlad ng probinsiya.
Aniya, hindi dapat iwanan ang mga programa para sa mga dating rebelde, pangkapayapaan at seguridad.
“Programs to the former rebels and peace and security programs should not be abandoned,” pahayag ni Board Member Henry Bastian Jr., Sangguniang Panlalawigan of the Second District of Mountain Province.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga miyembro ng Balik-Loob Organization of Mountain Province (BLOMP) sa gobyerno sa pagbibigay ng suporta sa kanila.
Hinihikayat ng mga ito ang mga natitira pang miyembro ng CTG na magbalik-loob na sa pamahalaan, yakapin ang tunay na diwa ng nasyonalismo.
Sa pahayag ng BLOMP, handa nilang ipaalam ang magandang dulot ng kanilang pagbabagong buhay sa tulong at gabay ng NTF-ELCAC.
“Kami ay handang ipaalam ang magandang karanasan sa pagbabagong buhay at sa gabay ng NTF-ELCAC. Sabay nating tahakin ang tamang daan ng paninilbihan sa bayan,” pahayag ng Balik-Loob Organization of Mountain Province (BLOMP).
Ang BLOMP ay binubuo ng mga dating rebelde mula sa sektor ng mga katutubo at magsasaka sa Mountain Province.
Patuloy naman ang Northern Luzon Command, AFP sa pagtulong sa BLOMP sa matagumpay na panunumbalik ng mga ito sa mainstream society.