Halos P80-M halaga ng smuggled agri products, nasabat ng DA

Halos P80-M halaga ng smuggled agri products, nasabat ng DA

NAKAKUMPISKA na naman ang Department of Agriculture (DA) ng mga puslit na iba’t ibang agricultural products sa Manila International Container Port (MICP) mula December 27, 2022 hanggang nitong January 5, 2023.

Ayon sa ahensya, aabot sa ₱78.9 milyong halaga ng mga puslit na imported agricultural goods ang nasabat sa magkakahiwalay na operasyon.

Kabilang sa nasabat ang 3 container vans mula sa Taculog J International Consumer Goods Trading noong December 27 na naglalaman ng smuggled na pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng ₱25.3-million.

Sa sumunod na operasyon noong January 3, 2022, muli na namang naharang ang container vans ng Taculog J International Consumer Goods Trading pati ng Hutchison Jardine Trading Corporation.

Nadiskubre ang ₱27.8 milyong halaga ng kontrabando kabilang ang pula at puting sibuyas, frozen pork stomach pouch cuts o bituka, at frozen boneless beef shanks.

Nasa ₱23.58 milyong halaga rin ng imported red onions ang naharang mula sa 3 container vans noong January 4, 2023 operation.

Habang nasa ₱2.2 milyong halaga ng carrots ang nasamsam mula sa Asterzenmed, Inc. noong January 5, 2023.

Ayon kay Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement James Layug, inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa illegal importers.

Kabilang ang paglabag sa Food Safety Act of 2013 (Republic Act No. 10611) at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (Republic Act No. 10845).

Follow SMNI NEWS in Twitter