PATULOY na matatanggap ng mga healthcare worker ang hazard pay at iba pang benepisyo kung sakali mang magtatapos na ang COVID-19 national health emergency ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang hazard pay ay bahagi na ng base pay ng lahat ng mga healthcare worker dahil sa magna carta benefits para sa lahat ng mga healthcare workers.
Nilinaw naman ni Vergeire na sa oras na matapos na ang public health emergency ay ang health emergency allowance na ang matitigil dahil doon nakatali ang mga benepisyong allowance.
Inilarawan ni Vergeire na ang health emergency allowance ay ang ibinibigay bukod pa sa hazard pay dahil sa mga banta sa kalusugan na kinahaharap ng mga healthcare worker na rumeresponde sa COVID-19 pandemic.