DUMATING na kagabi ang mahigit 700,000 dosis ng Pfizer vaccine na donasyon ng Amerika sa pamamagitan ng COVAX.
Sa bilang ng mga bakunang dumating, umabot na sa mahigit 29 milyong dosis ng COVID-19 vaccines ang tinanggap ng Pilipinas na donasyon ng Amerika sa pamamagitan ng COVAX.
Ang naturang mga bakuna ay lulan ng Air Hong Kong Flight LD456 na lumapag pasado alas 9:00 kagabi sa Terminal-3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Aminado rin ang Amerika na kahit mismo sa kanilang bansa ay malaki ang hamon ng kanilang pakikipaglaban kontra COVID-19 pero hindi sila umano susuko kaya patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pagsisikap na mabigyan ng bakuna ang mga mamamayan sa bansa at ang pagtulong din sa pagbabakuna sa mga Pilipino sa bansa.
Sa kabuuan, mahigit 225 milyon dosis na ng bakuna kontra COVID -19 ang tinanggap ng Pilipinas simula Pebrero 2021.
Samantala, mayroon nang 135,479,183 na kabuuang doses ang naibakuna hanggang Pebrero 27, 2022.
Mula sa nasabing bilang ay mahigit 68.7 million na ang naka-first dose, habang mahigit 63 million ang fully vaccinated ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard.
Mahigit 10.1 million naman ang nakatanggap ng booster/additional doses.