KAHAPON lamang ay inilikas ng Davao City Disaster and Rescue Team sa mga temporary shelter ang nasa mahigit kumulang 9,000 pamilya sa Davao City matapos ang sunod-sunod na pag-ulan.
Umapaw ang tubig baha mula sa mga ilog patungo sa mga residential areas simula Nobyembre 9 hanggang 10 dahil sa malakas at sunod-sunod na pag-ulan.
Ayon kay Lawyer Marlisa Gallo, head ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), nasa 13 na mga barangay na ang naapektuhan ng nasabing pagbaha sa lungsod kabilang na dito ang:
Barangay 2-A na may 894 ang apektadong pamilya
Barangay 5-A na may 1,325 apektadong pamilya
Barangay 8-A na may 1,300 apektadong pamilya
Barangay 9-A na may 918 na apektadong pamilya
Barangay 10-A na may 679 na apektadong pamilya
Barangay 19-B na may 449 na apektadong pamilya
Barangay Maa na may 959 na apektadong pamilya
Barangay Matina crossing na may 1,403 na apektadong pamilya
Barangay Tigatto na may 1,490 na apektadong pamilya
Barangay Waan na may 457 na apektadong pamilya
Barangay Bantol na may apektadong 5 pamilya
Barangay Buda na may 48 na apektadong pamilya
Barangay Tamugan na may 40 na apektadong pamilya
Ayon kay Gallo na kabilang na dito ang mga pamilya na hindi pumunta sa mga evacuation center.
Pinayuhan naman ang mga residente na manatili muna sa mga evacuation center lalo na ang mga lugar na may mas mataas na antas ng pagbaha at hintayin munang humupa ang lebel ng tubig bago bumalik sa kani- kanilang mga tahanan.
Ayon naman sa Davao City Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Davao River, Lasang River, at Matina River ay dulot ng pag-ulan dahil sa tail end of frontal system na nakakaapekto sa lungsod at mga kalapit na lugar nito.
Samantala, wala namang lubhang nasugatan o nasawi sa nasabing mga pagbaha sa lungsod at makakatanggap naman ng P20,000 ang mga may ari ng bahay totally damaged dahil sa pagbaha, at P15, 000 naman para sa mga partially damaged house.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanda ng mga kinauukulang ahensiya para sa immediate response kung sakaling tumaas na naman ang lebel ng tubig partikular na sa mga apektadong lugar sa lungsod.