NAGPADALA ng sulat si Vice President Sara Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng kaniyang abogado.
Saad nito na hindi siya makakadalo sa pangalawang imbitasyon ng NBI para sa imbestigasyon kaugnay sa sinabi nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, binigyang-diin ng bise na hindi magiging patas ang nasabing imbestigasyon kasunod na rin aniya ng sinabi ni Marcos Jr. at ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ).
“Sinabi niya ganitong mga kriminal na gawain na ito ay hindi ko palalampasin. So makita na natin no the pronouncement of the president ay mayroon nang bias doon.”
“I don’t think magiging patas itong imbestigasyon na ito.”
“Kahit pa man pumunta ako doon o hindi ako pumunta doon, we believe and I believe, ‘we’ means the lawyers and I believe that cases will be filed,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
VP Sara, naniniwala na patung-patong na kaso ang isasampa laban sa kaniya
Naniniwala ang bise na patung-patung na kaso ang ihahain laban sa kaniya kasama na ang impeachment at mga non-bailable offenses sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Pero tiniyak ni VP Sara na handa siyang harapin ang mga kasong ito.
“I assure everyone na we already have lawyers helping us. In fact, the moment France Castro announced last year that they are planning to file the impeachment, we already talk to lawyers who will handle the impeachment case,” ayon pa kay VP Sara.
Sabi ni VP Sara—kinakailangan pa nila ng karagdagang abogado kasabay ng inaasahang pangatlong impeachment case at ibang mga kaso na isasampa laban sa kaniya.
Alok na tulong ni Dating Pangulong Duterte at Cong. Marcoleta, tinanggihan ni VP Sara
Tinanggihan na rin ni VP Sara ang alok ni Cong. Rodante Marcoleta na tumayong abogado para sa kaniya.
“I feel that he will better serve the country if remains to be a member of the House of Representatives. That is important right now. We need good public servants, good leaders, good officials in government,” giit ni VP Sara.
Padadalhan din sana si VP Sara ng kaniyang ama na si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng pambayad sa mga kakailanganin niyang abogado pero hindi ito tinanggap ng pangalawang pangulo.
“Nagsabi ako na huwag na lang siyang magpadala ng pera dahil nakapaghanda naman kami para sa impeachment case,” aniya.
Sa kabila ng mga patung-patong na kasong inaasahang isasampa laban sa kanya, ito ang tiniyak ni VP Sara.
“I do not plan to leave the country or plan to hide if there will be a warrant of arrest mainly because my children are here. If am detained I want to be able to still see my children,” ayon pa sa bise presidente.
Sa huli, sinabi ni VP Sara na naniniwala siya na anuman ang mangyari sa kaniya sa hinaharap ay bahagi lamang ng plano ng Diyos para sa kaniyang buhay. Aniya, panatag at payapa ang kaniyang kalooban sa mga posibleng mangyari sa kaniya.